“Batanes sa Unang Linggo ng Mayo” Ni: Faith Santos
“Batanes sa Unang Linggo ng
Mayo”
Ni: Faith Santos
Sa pagod at lungkot ng
huli kong taon sa Junior High, nakakatuwa pa ring isipin kahit papano na
makakasama ko ang aking pamilya papuntang Batanes. Marami ang nagsisilbing
patunay sa gandang taglay ng probinsyang ito kaya hindi mapakali ang nanay ko
hanggang sa airport. Ako rin, naniwala ako na magiging maganda ang Batanes sa
unang linggo ng Mayo.
Sumakay
kami sa isang maliit eroplano at sinalubong ng ilang beses ng turbulence.
Lumipas ang mga gusali ng Maynila, mga bundok ng Cordillera, hanggang sa mga
ga-higanteng windmills sa Ilocos. Iba talaga kapag naka-upo ka sa tabi ng
bintana. Nakarating kami sa Basco ng umaga at nakipagkita sa guide namin. Ang
Basco ay ang capital ng Batanes at ng isa sa tatlong pangunahing isla na Batan.
Ang dalawa pang ibang isla ay ang Itbayat sa hilaga at ang Sabtang sa timog.
Dinala niya kami sa aming matutuluyan – isang
lodge na binabantayan ng dalawang mababait na babae – isang maliit at isang matangkad. Matapos naming
maghanda ay pumunta kami ng Hilagang Basco – naroon ang mga sikat na Basco Lighthouse, Rolling
Hills at Boulder Beach. Medyo makulimlim at pasulyap-sulyap lang si Haring Araw
kaya mahangin. Tipong nasa pinakanorte pa kami ng Pilipinas, syempre ibang
klase ang hangin, kaya di namin nalibot ang kalahatan ng Rolling Hills.
Nakakamangha at nakaka-aliw ang mga hayop na nakatayo sa mga damuhan. Kahit sa
tirik ng mga burol ay nakukuha pa nila na makatayo sa kanilang apat na paa at
kumain. Isa pa ang kanilang mapanghusgang mga tingin sa aming mga turista na
aaaminin ko, medyo nakaka-ilang– mga judger
nga, wika ng mga milenyal. Ngunit iibahin ko ang mga residente sa Batanes, ang
mga Ivatan. Mababait at maasikaso sila sa aming mga Ipula, sanay na rin siguro
sila sa mga dumadayo sa probinsya nila.
Malapit
nang matapos ang araw at napagdesisyunan naming na kumain sa Octagon Restaurant
at iorder ang kanilang sikat na coconut crab. Pero naubusan umano ng stock kaya
di naming natikman at iba na lang ang pinahanda naming sa kanila. Maliban sa
coconut crab ay ang kanilang mga lobster – napakalaki, napakamalasa at tiyak na nakakabusog
matapos ng isang araw ng paglilibot.
Sa
ikalawang araw ng aming bakasyon ay pumunta naman kami sa isla ng Sabtang.
Naroon ang Morong Beach na kasing puti ng mga ulap ang buhangin, ang
pamayananan ng Sabtang na kung saan lahat ng bahay ay gawa sa bato. Di mo
aakalain na malamig ang looban ng mga bahay na ito at may mga nakatira talaga
dito dahil mukha siyang malaking pugon na binubungan ng mga tuyong dahon.
Malaki ang aking respeto sa mga mamamayan ng Sabtang kasi nakuha nilang
maipanatili ang magandang kondisyon ng mga bahay na ito. Nagulat ako noong sabi
ng guide namin na iba sa mga tahanan dito ay naitinayo na ng sobrang tagal na.
Kahit madalas daanan ng mga bagyo ang Batanes, hindi ito nagiba o nasira
kailanman. Matapos namin pumaroon ay nasulyapan namin ang mga matatandang babae
na gumagawa ng vakul na gawa sa mahahabang damo na ginagawang
pantabig sa ulo ng mga magsasakang nagtatanim ng palay. Nakakatuwa, na hanggang
ngayon ay nasasabayan nila ang modernong panahon at naigagawa nilang isama ang
kanilang nakasanayang kultura. Nanatili kami sa isang bahay malapit sa pier na
pinanggalingan namin. Isang bagay sa Batanes, walang hotel. Kaya maari kang
maki-tira sa mga Ivatan o matulog sa isang lodge. Mababait ang mag-asawang
umasikaso sa amin habang nasa Sabtang kami. Gumising kami ng maaga at bumalik
sa Batan sakay ng isang malaking bangka. Hindi na naming nakayang makapunta sa
Itbayat dahil delikado at mataas ang alon papunta roon.
Tanghali
ng araw na iyon ay dumayo kami sa timog ng Batan – isa pang lighthouse ang Tayid Lighthouse ang
sumalubong sa amin. Napapa-ibig ako sa nakikita ko sa tuktok ng mga lighthouse
sa Batanes – parang isang magandang
teleseyre tungkol sa pag-iibigan ng dagat at ng lupa, kung paano dinadalan ng
mga alon ang mga isla ng mga regalo na namamangka at nananatili sa Batanes.
Kahit noong panahon na iyon ay nakakalabuan kami ng aking ka(ibigan),
tinutulungan ako nito na pagaanin ang loob ko nang magkaroon ako ng kalinawaan
ng isip at makagawa ng tamang desisyon (at naging tama ang desisyon na iyon).
Kinabukasan
ay nakabili kami ng mga pasalubong na pwedeng iuwi pabalik ng Bulacan sa
Honesty Coffee Shop sa Mahatao. Pagpasok namin ay nakabungad ang mga pagkain,
mga pahayag tungkol sa katapatan, isang malaking kahon, at isang notebook at
panulat. Ngunit walang nakabantay. Ang patakaran sa tindahan na ito ay basta
ilista lahat ng bibilin at ilagay ang bayad sa loob ng kahon. Mapapalaki ang
mga mata mo, mapapabuka ang mga bibig mo, at mabubulagta ka sa luwag ng
seguridad sa mga tindahan dito. Pati sa lodge namin, ganoon din ang sistema. Sa
loob ng simbahan sa gitna ng bayan ay may isang silid puno ng mga blankong
libro at nakapabilang mula isa hanggang sa halos tatlongdaan. Maaari kang
magsulat sa kahit anong libro, kahit ilang beses. Sinubukan kong magsulat ng
tula sa ika-labindalawang libro ngunit kapos na sa oras kaya nagpasalamat na
lang ako.
Sa
ika-limang araw ay bumiyahe kami papuntang Malboro Country. Halos katulad lang
siya ng Rolling Hills ngunit natsamba namin na maaraw ang paanhon kaya nalibot
namin ito. Mahaba ang aming nilakad at inakyat – mataas, maliit at matarik ang mga daan kaya
mahirap. Pero noong nakaapak na kami sa pinakadulo, nawala lahat ng pagod,
dapa, dulas, sigaw, at takot na gumulog pababa. Hindi ko maalis ang mata ko sa
panorama na inihandog sa akin. Gusto kong tumira at manatili dito at huwag nang
mag-aral sa Maynila. Ngunit sa kasamaang palad, di ako maaaring bumii ng lupa
dito hangga’t di ako makakapag-asawa ng Ivatan.
Walang
nakaplano sa susunod na araw kaya napag-isipan naming maghanda ng almusal sa
pansamantalang tirahan namin. Maaga akong nagising at tumulong sa paghain ng
almusal. May naibili si Tatay ng donut dalwang kanto mula sa amin. Naubos
naming agad kaya inaya ko siya na bumili ulit. Ikalawang bagay sa Batanes,
walang palengke. Sari-sarili ang pagbenta ng mga produkto dito. Pumasok kami sa
bahay ng isang matandang lalaki. Puno ng mga tinapay at mga samu’t saring instant ang mga
nakasabit. Napatingin ako sa mga instant coffee na may tumatagingting na Php
13.00 ang presyo. Burgis ang pinakaunang salita na pumasok sa utak ko.
Bumalik kami at nag-almusal. Noong hapon ng araw na iyon ay nanghiram kami ng
mga bisikleta at pumaikot sa runway ng airport. Buti na lang tuwing umaga lang
ang flight sa Basco.
Sa
huling araw ng unang linggo ng Mayo, nag-impake na kami pabalik ng Maynila. Sa
huling sulyap ko sa mapayapang lugar na ito, sa huling tingin palabas ng lodge
ay ang mga salitang “Dios mamajes” or “Sumainyo ang Panginoon”/”Maraming salamat.” Karamihan sa mga salita o pambati ng mga Ivatan
ang salitang “dios.” Nakakatuwa.
Namaalam
ako sa luntiang isla ng Batan mula sa kalangitan. Namaalam ako sa mga
lighthouse na dati’y
nagbigay liwanag sa mga manlalayag at pati na rin sa kaisipan ko. Namaalam ako
sa malakas na simoy ng hangin na naging kasama ko buong linggo at dinala ako sa
mga lugar na nagmistulang paradiso. Namaalam ako sa proinsyang nagbigay sa akin
ng kapayapaan at hinayaan akong iuwi ito at muling binati ang mga windmill sa
Ilocos, mga bundok ng Cordillera, at mga gusali ng Maynila. Bumalik ako sa
ingay ng mga busina. Bumalik ako sa usok ng mga tambutso na walang binigay
kundi kadiliman, polusyon at sakit. Bumalik ako sa patuloy at walang tigil na
pagbago ng mga kaisipan, walang humpay na away at walang kapos na kababawan.
Ngunit dindi magbabago ang ideya na oo, dito ako nakatira, ito ang tahanan
ko.
Ang pagbisita ko sa Batanes
ay naging pribileyo na konti lang ang nabibigyan ng pagkakataon na makamit. Ang
Batanes ay parang langit na kung saan lahat ay perpekto at matiwasay. Dito
naninirahan lahat ng pinapangarap ko di lang sa Maynila kundi sa buong
Pilipinas – mapayapang pagpapatakbo
ng sistema, pagpapalakas ng kultura, sining at kasaysayan, pagkakaroon ng
magandang asal, isipan at tiwala sa bawat isa. Ang Batanes ay ang pinakamalapit
na lugar na kaya kong ibigay para mailarawan ang salitang utopia.
Hindi ko mapagsisisihan at
makakalimutan sa buong buhay ko ang paradiso na ang Batanes sa unang linggo ng
Mayo.
Comments
Post a Comment