Biyahe sa Singapore ni Allyson Reyes

Biyahe sa Singapore
ni Allyson reyes
                Nagmula lamang ako sa isang pamilyang masasabi kong sakto lang ang estado sa buhay. Matipid at praktikal ang kinalakhan kong buhay. Kaya nga labis na lang ang aking kasiyahan ng isurpresa kaming apat na magkakapatid ng aming magulang. Punong-puno ako ng saya at sabik dahil unang pagkakataon ko na makasakay sa eroplano, at syempre, makarating sa ibang bansa. At kung iisipin, isa naman talaga ang Singapore sa mga bansa na magandang puntahan.
            Dinadagsa ang Singapore ng napakaraming turista na nagmula pa sa iba’t-ibang parte ng mundo. Sabi ng kamag-anak ko na nakatira sa Singapore, kasing laki lang daw ng Maynila ang bansang Singapore. Nakita ko mismo ang katotohanan sa kanyang mga deskripsyon. Halos nilalakad lang ang mga destinasyon doon, at kung may mga sasakyan man, karamihan ay pampubliko ito tulad ng mga bus at taxi.
            Magkaparehas man ang oras ng Singapore at Pilipinas, sa unang tapak kon palang sa Singapore ay ramdam ko ang paninibago na tila ba nasa ibang mundo talaga ako. Kitang-kita ang pagiging sibilisado ng isang “first-world-contry.” Talagang hindi ako sanay na makakita ng sobrang linis na lugar. Ni isang kalat ay wala akong nakita.  Ramdam ko ang katahimikan at kapayapaan. Napansin ko kasi kung gaano kastrikto ang mga Singaporean sa pagsunod sa mga batas. Kahit pa sa simpleng escalator, may sinusunod pa ring kalakaran. Nakakatuwang tingnan kung gaano nagpapasakop ang mga tao roon sa kapangyarihan ng batas. Sa tingin ko ay isang huwaran talaga ang bansang ito at ang mga mamayan rito.
Minsan nga ay nakaiwan kami ng bag sa mall, at nang magpunta kami sa administrasyon, naibalik pa samin ito kahit na hindi naman talaga ganon kaimportante ang mga laman ng bag, at kung ako ang tatanungin, ayos lang kahit wala nang magsoli. Mas tumaas pa ang tingin ko sa bansang ito matapos ang pangyayaring iyon. Tila ba nakita ko na ang ideyal na sibilisasyon sa Singapore. Ang sarap pangarapin na sana ay maging ganoon rin ang bansang pinagmulan ko.
Ang mga imprastraktura sa Singapore ay maituturing kong ‘unique’ at kanikaniyang sariling mga katangian na talaga namang tatatak sa isipan. Nagpapagandahan sila ng disenyo. May mga matataas na gusali tulad ng Twin Towers, may mga landmark na masarap magpalitrato gaya ng Merlion at ultimo tulay ay pinuno ng makukulay na ilaw na napakagandang titigan sa gabi. Kung hindi lang kami nagmamadali ay talagang maglalakad-lakad ako sa tulay na iyon. Tahimik kasi at mahangin. Tamang-tama puntahan lalo na kung gusto mong magmuni-muni at hanapin ang sarili.
Ang mga pagkain roon ay talaga namang nakakaenganyo. Mula sa mga pagkain na mula sa asya papunta sa kanlurang mga putahe ay mayroon. Naalala ko pa kung paano ko titigan ang paghulma ng chef sa ‘doe’ para maging noodles. Bawat hibla ay talaga namang punong-puno ng pagod at hirap. Nakaktawa lang dahil hindi naman ako bumili kahit ang tagal kong nakatayo sa stall nya.
Sa tingin ko, ang pinakamasayang parte ng bakasyon ko sa Singapore ay ang pagpunta namin sa Universal Studios. Dito talaga nagpupunta ang mga turista dahil punong-puno ito ng mga pasyalan at rides na bagay pampamilya. Ang pinagsisisihan ko lang ay ang hindi ako nakasakay sa roller coaster. Yun kasi ang una naming destinasyon at pinangunahan ako ng takot. Pero kung babalikan, pipiliinn ko na talagang sumakay. Nanghinayang man ako, masaya pa rin dahil marami pa kaming pinuntahan. Sumakay kami sa 3D rides tulad ng The Mummy at Transformers. Aakalain mo talagang nalalaglag ka dahil sa mga modernong visual effects. Pati ang panonood ng sine ay 3D na rin. Pati pag-wisik ng tubig sa isang karakter ay mararamdaman mo rin. Nagpakuha pa ako ng litrato sa mga nag-cosplay na mga karakter sa ilang movies ng Universal Studios. Ang sayang balikan dahil minsan lang talaga naman mangyari ito sa buahy ng isang teenager na tulad ko.
Ang napansin ko lang, ang mga Singaporean, kapag pinagmasdan, ay literal na may kanikanyang buhay. Walang nakangiti sa kanila at madalas ay nakatitig lang sa mga mamahaling gadjets nila. Hinahanap-hanap ko tuloy ang mainit na pagtangggap ng mga tao sa aking bansang pinanggalingan. Kahit na ngitian ko ang ibang nakikita ko, isang sigundong titg lang ang ibinabalik nila saakin. Sanay na sanay na siguro sila sa mga urista kaya hindi na uso sa kanila ang pansinin ang mga bagong dating sa kanilang bansa.

Kung tutuusin, wala namang hindi masayang pangyayari sa pagpunta ko sa Singapore. Mula sa pagsakay ng eroplano hanggang pag-bili ng dirty ice cream na malayo sa madumi ang itura ay talagang masaya at nakatatak na sa aking memorya. Lalo na at kasama ko ang buong pamilya ko, mas naging makulay ang naging pamamalagi ko rito. At tulad ng sabi ko noon, iintayin ko ang muling pagkakataon upang makabalik ako sa Singapore.

Comments