Estudyante “Lang” ni: Joyce Gonzales
Estudyante “Lang”
ni: Joyce Gonzales
Alas
dose na naman ng tanghali. Hay, sa dami ng gagawin ko sa araw na ito, tanghali
pa ako nagising. Sa pagmamadali ay mabilis akong naligo at nagbihis at kinuha
ang mga bagay na kahit hindi naman sa akin sa huli ay napapaligaya ako ng
tunay.
Ako’y sumakay sa isang
traysikel at bumaba sa sakayan ng dyip para mag-antay ng dyip papuntang SM
North. Narinig ko ang pagsigaw ng barker ng, “isa pa!” kaya’t sumakay na ako
kahit alam ko namang kahit kalahati ng puwit ko ay hindi magkakasya sa sinasabi
niyang isa pa. Marahil nagtataka ang mga tao sa loob ng dyip kung bakit nga ba
ang dami kong dala. Siguro iniisip nila na peke ang dala kong telepono at bag
dahil mukha akong maglalako ng mga paninda.
Balintawak,
Royal, Munoz, samahan mo pa ng usok, init at alikabok....
Sa
wakas! Ako’y nasa SM North na! Tumuloy ako sa sakayan ng FX patungong SM Fairview.
Hindi tulad sa dyip, mapili ako sa sinasakyang FX. Sinabihan ko ang barker na
gusto ko ay sa harap ako nakaupo kaya naman tinuro nya ako sa kasunod na FX na
nakapila at wala pang laman. Pagkapasok ko ay kaagad kong sinabi sa drayber na babayaran
ko na ang pwesto sa unahan at agad na itinapat ang aircon sa akin. Nang mapuno
ang FX ay nakaramdam ako ng antok kaya’t natulog muna ako.
Quezon
City Circle, PHILCOA, Commonwealth…
Tama,
dito na ako baba sa Commonwealth. Bumaba ako sa Don Antonio at luminga-linga sa
binabaan ko. Medyo inaantok pa ko kaya't hindi ko maintindihan kung nasaan ba
ako. Diyos ko po! Mali ang binababaan ko. Nandito ako sa lumang Don Antonio
kahit na dapat nandoon ako sa bago. At dahil wala naman akong magagawa ay naglakad
ako papunta sa aking paroroonan.
Napakalayo. Napakainit. Nakakapikon.
Hindi
ko naman unang beses na magpunta rito pero bakit kahit kailan ay hindi ako sa
tama bumababa? Alam ko naman na dapat pagkatapos ng St. Peter ay tsaka lamang
ako bababa pero bakit ngayon ay naglalakad ako? Sayang ang pamasahe sa FX na
singkwenta para lamang makapag-aircon ako. Ang init! Tulo nang tulo ang pawis
ko at hindi ko naman magawang sumakay ng isa pang dyip sa takot kong makababa
nanaman sa maling babaan. Matapos ang mahabang lakaran ay umakyat naman ako sa
overpass. Iniisip ko kung kamusta na kaya ang tuhod ko sa haba ng nilakad ko.
Sumakay ako ng traysikel at sinabi kung saan ako pupunta.
Heto!
Heto ang dahilan kung bakit sa isang bagsakan ay naubos ang lahat ng ipon ko.
Ito ang dahilan kung bakit tiniis ko ang lahat ng init sa daan. Ito ang dahilan
kung bakit minsan ay hindi ko maasikaso ang aking pag-aaral. Higit sa lahat,
ito ang dahilan kung bakit hindi ko hahayaang sabihan ako na estudyante lang
ako.
Ito ang negosyo ko- ang pagbebenta ng mga bag.
Kaya
ko sinasabi na ang mga dala ko ay hindi sa akin pero napapasaya ako dahil
masarap isipin na kumikita ako kahit wala pa akong labing-walong taon.
Kadalasan, nagugulat ang mga bumibili sa akin kapag nalalaman nilang Senior
High pa lang ako. Sino ba namang hindi? Eh ang mga kaedaran ko ay abala sa
pakikipagkaibigan, pakikipagrelasyon at pag-aaral pero heto ako, pati negosyo
ay pinagkakaabalahan.
Itong
pwesto na to ay oo, hindi sa akin, pero ang sayang naidudulot nito sa aking
puso ay kakaiba. Ito ang nagparamdam sa akin na mayroon akong kayang gawin
bukod sa mga bagay na alam nilang kaya ko. Buong buhay ko ay iniisip ng mga tao
na puro paggastos lang ang kaya kong gawin, na hindi ko kayang magtipid at
lalong-lalo na, hindi ko daw kayang kumita ng sarili kong pera.
MAD
MANILA. Ito, ito ang lugar na sumisimbolo ng aking tagumpay bilang isang
estudyante at ito din ang patunay na kaya kong lagpasan ang mga inaasahan ng
mga tao mula sa akin.
Simula pa lang ito.
Comments
Post a Comment