Ang baon papuntang Espanya ni Jasmine Villanueva

Ang baon papuntang Espanya
ni Jasmine Villanueva

     Alas kwatro ng madaling araw bumabangon. Ngayon tila busina ng mga sasakyan ang nagsisilbing tilaok ng mga manok noon. Habang naliligo ay iniisip na agad kung ano ang sasakyan upang hindi mahuli at maabutan ng rush hour. Aalis ng bahay ng walang laman ang tiyan, ang baon lamang ay ang mga mata at ang bukas na isipan. Alas kwatro y medya ay nakasakay na sa UV express na papuntang Lawton, nagbayad ng singkwenta pesos sa drayber na may kausap sa radio. Kasabay ko ang mga estrangherong gumising rin ng maaga upang makasakay agad. Mula sa bintana ng sasakyan ay tanaw ko ang mga nangyayari sa paligid. Habang nakikinig sa tugtugin ng cellphone ay dito na magisismula ang paglawak ng aking isip na tila may boses sa aking utak na nagsasalaysay ng kwento mula sa nakikita ng aking mga mata.

     Mga taong suot ang kanilang mga uniporme, ang mga bag ay nasa harap handa na para maghabol ng sa bus. Mga babaeng may takong ang sapatos ay handa na maghabol upang makasakay rin. Parating na ang bus na punong puno ng pasahero, nagdadagsaan na ang mga tao upang makasakay. Ipagsisiksikan ang sarili kahit na walang hahawakang bakal upang hindi matumba, ipipilit pagkasiyahin ang sarili kahit na magusot ang plantyadong uniporme. Nakatayo na ang lahat, makikita sa mukha ng mga nasa loob ng bus ang pagod at pagka-ngalay nang kanilang mga paa at kamay, makikita rin ang gutom at pagka-init ng ulo ng iba. Sasabayan pa ito ng pagkahaba-habang trapik na halos magkakalahating oras na ay di parin gumagalaw, ganito ang sitwasyon ng rush hour sa Pilipinas. Ang pagsakay sa bus ay isang uri ng pakikipagsapalaran sa araw-araw upang makapasok lamang sa opisina o eskwelahan. Pero bakit nga ba ganito parin ang sistema ng transportasyon sa Pilipinas? Kahit na taun-taon na itong problema? At ito ako ngayon sa loob ng Uv express kasama parin ang mga estranghero na nakatungo at tulog. Tulog dahil siguro sa pagod at puyat mula sa pagtatrabaho at pag-aaral. Ang mamamayan sa Pilipinas ay nagtatrabaho ng walong oras sa isang araw idagdag pa ang 4 na oras na byahe, 2 oras papunta at 2 oras pauwi. Talaga nga namang nakakapagod kaya hindi nakakapagtaka na ang iba ay mainit lagi ang ulo at puyat. Makikita na hindi maganda ang pamumuhay ng isang ordinaryong mamayan araw-araw. Alam kaya ito ng mga nasa kapangyarihan na mayroong magandang pamumuhay? Kahit na lagi naman itong ibinabalita sa telebisyon at taun-taon na rin itong problema? Alas singko kwarenta y singko nasa Roxas boulevard na ako. Sa magandang pagsikat ng araw na pinaghalo-halo ang kulay ng rosas, lila at kahel sino kaya ang pinagpinta ng diyos ngayon? Ngunit sa ilalim ng kagandahan ng langit ay nakikita ko mula sa labas ng sasakyan ang mga batang natutulog sa karton at walang saplot na nasa gilid lamang ng kalsada at dinadaan-daanan ng mga sasakyang maitim na usok ang nilalabas. Naririnig ko ang aking tyan senyales na gutom na ako at iniisip ko na ang bibilhin kong pagkain. Pero ang mga batang nasa labas ay kailangan pang paghirapan ang bibilhing pagkain. Bakit nga ba may mga tao paring nagugutom? Kahit na marami namang taong nagbabayad ng tama sa buwis at maraming organisasyon ang nagbibigay ng libreng tulong at pagkain? Ala sais ng umaga nasa Lawton na ako. Sasalubong na sakin ang sumisigaw ng “Morayta! PRC! Espanya!” Nakasakay na ako ng jeep. Naamoy ko na ang masangsang na amoy, nasa Quiapo na ako. Makikita sa lansangan ng Quiapo ang mga kalat at may mga bubog. Bakit kahit na may mga basurahan na at street cleaner ay sandamakmak parin ang kalat? Bakit hindi parin tayo nagkukusang madisiplina ang sarili? Natigil na ang tugtugin sa aking cellphone, sa wakas nakarating na ng Espanya.

     Kasabay ng ingay sa syudad ang ingay sa aking isipan. Isa ako sa mga kabataan na maraming pagtatanong at pagtataka. Ang bawat pag byahe ko mula sa Cavite papuntang Espanya ay paulit-ulit ang aking nakikita at paulit-ulit ang mga tanong. Maraming naibibigay na solusyon para sa araw-araw na problema ngunit iilan lamang ang naisasagawa. Iba’t ibang tao ang nakakasalamuha ko sa araw araw pero lahat ay matiyagang nakikipagsapalaran sa hirap at panganib sa lansangan. Hindi lamang ako natututo ng leksyon sa paaralan kundi may natutunan din ako sa lansangan. Ang pagkakaroon ng karansan sa lansangan ay isang mahalagang leksyon sa aking buhay upang mas maunawan ko ang mga nangayayari sa lipunan at magkaroon ng ideya sa kung paano tumatakbo ang mundo.


Comments

Popular Posts