Ang Paglubog Sa May Look ni Gay Tiglao

Ang Paglubog Sa May Look
ni Gay Tiglao

            Hindi ko alam kung ano ang eksaktong nagtulak sa amin upang lakbayin ang pinakamalapit na pwedeng panuoran ng paglubog ng araw sa kanluran. Bukod sa polusyon ng Maynila, dumagdag pa ang init sa nagpahirap sa amin upang marating ang gilid ng look. Ngunit kahit na marumihan at pagpawisan ay ‘di namin inalinta, mahabol lamang ang huling mga sandali ng duwendeng bituing iniikutan ng mundo sa araw na ito.
           
            Nagmamadali naming tinungo ang kanto ng Padre Noval upang makasakay ng jeep papunta sa pinakamalapit na estasyon ng tren. Kahit ‘di ganoon ka-pamilyar, ay tinahak naming ang daan patungong estasyon ng Central. Ang paglubog ng araw ay kailangan naming maabutan. Pagdating sa gilid ng riles ng tren, hindi na kami mapakali sa kagustuhang makasakay agad, makarating agad. Mabuti na lamang at hindi masyadong siksikan sa loob, pero kahit naman wala na kaming mauupuan ay mukhang hindi naman naming iindahin. Pagkababa sa estasyon ng Gil Puyat ay nagmamadali naming pinuntahan ang sakayan ng panibagong jeep. Sa pagkakataong ito, ang huling kailangang sakyan upang ang paglubog ng araw ay aming maabutan.

            Pagdating sa sinasabing pinakamalaking pamilihan sa Asya ay muntik pang maligaw. Tila hindi namin Makita ang araw sa bandang iyon. May guwardiyang nagturo ng daan at sinabing deretso lamang ang lakbayin at makakarating din. Kaya kahit pagod na ay matiyaga naming nilakad hanggang sa kabilang dulo na MOA. Malapit na ang paglubog, kailangan nang pumwesto.

            Nang makaupo na sa gilid ng mga naglalakihang bato, sa ibabaw ng tubig, at sa harapan ng palubog na araw, tila nawala lahat ng iniisip ko. Sa wakas, nakikita ko na ang araw sa aking napakarikit na araw sa aking harapan, ang tubig sa aking paanan na mas bughaw pa sa aking nararamdaman. Ang ihip ng hangin, hindi man ganoon ka-linis ay may hatid pa ring ginaw, yumayakap sa bawat pagdaan. Kasalanan ng araw ang napakagandang kulay ng himpapawid, hindi lamang ito asul kundi may dampi ng kahel at lila. Ang mga ibon ay kay-layang lumilipad sa ibabaw ng tubig na para bang sumasayaw samantalang ang puso ko’y sumisigaw na sana isa ako sa kanila.
Sa unti-unting paglubog ng araw ay gumagalaw din ang mga ulap sa langit at nararamdaman ko, ‘di sa aking mga kamay kundi sa aking puso ang lambot ng mga ito; sana’y kay taas din nila ako.
           
            Bukod sa mga tanawin, hindi maikakaila ang dami nang taong nasa paligid. May mga taong tila sawa na sa mga tanawing nagpamangha sa amin, sila yung mga nagtitinda sa gilid ng look, walang mapili kundi panuorin ang paglubog ng araw na nasa kanilang harapan. Wala nang pagkamangha sa kanilang mga mata,
            Mayroon din namang mga taong dumaraan lang sa harapan ng araw, tila wala na ring pakialam sa kung anong gagawin nito sa mga oras na iyon. Maaaring ang iba’y nagmamadali nang umuwi dahil malapit nang mag gabi. Tila ipagpapaliban na lamang ang paglubog ng araw dahil siguro, mas masarap ngang makauwi.
            Pero tulad namin, maraming mga tao ang nanatili, nakaupo at nanunuod lang sa paglubog ng araw. Hinihintay na magsimula na ang gabi. Tapos nanaman ang nakakapagod na araw.

            Ngunit ang pinakatumatak sa akin sa lugar na iyon ay kung paano ako binago ng tanawin sa aking harapan, sa aking paanan, at sa aking paligid. Ang kagandahan ng araw ang pumukaw sa mga emosyon kong matagal ko nang kinikimkim, mga dinaramdam na hindi ko kayang ilabas, mga luhang matagal ko nang pinipigilan. Ang dahan-dahang paglubog ng araw sa aking harapan ay nagpatunay sa akin na kahit gaano ka-pangit nagsimula ang lahat, kahit hindi ganoon ka-saya ang gitna, palaging magtatapos ang lahat nang maganda.

            Kaya sa tingin ko, posibleng ang pagod, ang mga pighati, ang kasabikang makakita ng maganda sa araw na iyon ang nagtulak sa aming habulin ang paglubog ng araw. Dahil kahit sandali, ang sarap takasan ng lahat.

Comments

Popular Posts