Apat na Oras sa Paraiso ni Ross Racelis

Apat na Oras sa Paraiso
ni Ross Racelis 

                      Ako ay lumisan sa aking higaan ng hindi labag sa aking kalooban; na kung mangyari ay minsan lang. Nakangiting nag-aabang ng tren kahit kape pa lamang ang laman ng tiyan. Di nagpatinag sa mga nagsisiksikang pasahero ang kurba sa aking labi. At noong nakarating na sa paroroonan, ako’y nagpakawala ng malakas na buntong hininga. Animnapu’t siyam na araw ang aking hinintay. Sa wakas! Makikita ko na sila. At mas lalo akong natuwa, dahil alam kong hindi ako nag-iisa.
                       Kaming lahat ay may iisang mithiin. Ito ay ang makita ang mga lalaking nagpatibok sa aming puso. Mga lalaking nagpapasaya sa amin. Aming takbuhan kapag gusto naming takasan ang realidad. Mga lalaking nagpadama sa amin na mas maganda mamuhay sa aming imahinasyon. Mga lalaking aming naging mundo.
                       Namatay na ang mga ilaw sa entablado, nagpapahiwatig ng pagsisimula ng concert. Maririnig mo na ang dumadagundong na hiyawan sa arena. Nakita ko na rin ang mga anino ng labingtatlong lalaki na aking kinahuhumalingan. Kasabay ng paglabas ng aming idolo ay ang paglabas ng luha sa aking mga mata. Hanggang sa mga oras na iyon ay di pa rin ako makapaniwalang nasa harapan ko na sila.
                        Di ako makapaniwalang pwede palang makapasok sa paraiso sa loob ng apat na oras. Sa loob ng apat na oras na iyon, parang may ibang pagkatao sa loob ng katawan ko. Pagkataong masaya, maingay, maligalig. Pagkataong di ko nakita sa mahabang panahon. Yung tunay kong pagkatao. Napansin ko rin yun sa mga taong nakapaligid sa akin. Habang di pa nagsisimula ang concert, marami akong nakasalimuha na kapwa ko fan. At naobserbahan ko na iba-iba rin pala kami sa labas ng arena. Mayroon akong nakasalimuha na maingay, meron din namang sobrang mahinhin. Mayroong mayaman, meron din namang nag-ipon pa ng matagal para makabili ng ticket. Pero di alintana iyon. Tila ba lahat kami’y pantay-pantay nung mga oras na iyon. Lahat kami ay nagkakasundo. Walang manghuhusga sa amin. Kami ay malaya. Nakamtan namin ang kalayaan na aming hinihingi sa labas ng arena.


                         Ito na. Ang lahat ay patungo na sa labasan ng arena. Kasabay ng paglabas namin sa paraiso ay ang aming pagbalik sa mapanghusgang mundo. Mundo na bawal ang maiba. Dito na. Lilisanin ko na ang panibagong mundong aking natagpuan sa arena. Tapos na nga ang apat na oras sa paraiso.

Comments

Popular Posts