Babae Ka Lamang ni Angelica Garrido

Babae Ka Lamang
ni Angelica Garrido

Nagising ako sa sigaw ng aking ina at ama na tila’y sila ay may pinagtatalunan.

Narinig ko ang aking ama na sinigaw ang mga salita na “babae ka lang, wala kang karapatan”. Nagtaka ako kung ano kanilang pinapag-awayan ngunit mas napaisip ako kung bakit sinabi ito ng aking ama, ganun ba kaliit ang kanyang tingin sa aking ina? Kung gayon, sa amin ding mga babae?

Araw-araw, mga nagdaraang mga tao sa kalsada, may kanya-kanyang pupuntahang lugar, nag-iisip habang naglalakad - mga bagay na tila di mabigyan ng katarungan sa mundo. Isa ako rito. Nagtataka, naghahanap ng hustisya, at paulit-ulit na iniisip kung bakit ang mga ganitong pangyayari ay patuloy na nagaganap. Sabi nila, isa lamang akong babae na pumapangalawa lamang sa lipunan. “Babae ka lamang” ito ang paulit-ulit kong naririnig sa mga tao, sa social media, at sa mga lalaking minamaliit at tinatratong isang bagay ang mga kababaihan. Babae lamang na dapat nasa bahay gumagawa ng gawaing bahay. Babae lamang na dapat sunod sunuran sa mga kagustuhan ng mga lalaki. Babae lamang na hindi kaya gawin ang lahat.

Ako ang bunsong babae sa magkakapatid at lumaki ako na mas may pribilehiyo ang aking mga lalaking kapatid. Sila ay mas kayang ipaglaban ang kanilang sarili. Sila ang pinapayagan lumabas at umuwi ng hating gabi. Sila ang mas malaya. Sila ang maaring gawin ang lahat dahil nga sila ay mga “lalaki”. Sa aking tahanan, eskwelahan, at pati ang aking grupo ng kaibigan – mas nakakataas ang mga lalaki. Hindi ko mawari kung bakit sila ay mas may pribilehiyo sa buhay kung ang ating kasarian ay hindi nagpapatunay na ang ating kakayahan sa buhay ay limitado. Lumaki ako na ang babaeng katulad ko ay mahihina, na ang mga lalaki ang mas nakakalakas at kayang ipaglaban ang kanilang sarili. Lumaki ako na ang dalawang kasarian ay may ginagampanan. Mahihina ang mga babae at paminsa’y sila ang naaapi sa lipunan, tinatrato ng mas mababa at patuloy na binabastos na parang bagay lamang.

Usap-usapan naman ang isyu ni Tito Sotto sa pagsasabi niya na “na-ano lang” kay Secretary Judy Taguiwala dahil siya may anak na walang asawa. Ang aking lola ay isang single parent at may anim na anak, kahit na siya ay nahihirapan, pinilit niyang maitaguyod at makapagtapos ang kanyang mga anak. Lumaki ako kasama siya at natunghayan ko kung paano siya mag-alaga at kung paano niya ipaglaban ang kanyang mga opinyon. Madalas pa nga ang nag-iisang mga magulang ay palaban at naniniguro na nasa maayos ang kaning mga anak. Ang bagay na ito, tulad ng sinabi ni Tito Sotto ay isa sa mga proweba na patuloy pa rin ang pangmamaliit ng mga kalalakihan sa kababaihan. Nakakalungkot isipin ngunit ito ang katotohanan.  Katotohanan na patuloy na nangyayari sa ating lipunan kahit marami ang naglalabas ng hinaing.


Bilang isang babae, hindi ko hahayaang apakan ang aking dignidad at kasarian. May karapatan din akong gawin ang mga bagay na ginagawa ng mga lalaki. Ngayon, ang aking ninanais lamang ay pantay na pagtrato sa dalawang kasarian. Natuto akong mamulat sa katotohanan na ang aking paligid ay di laging pantay ang mga bagay. Hanggang ngayon, nabubuhay pa rin sa lipunan ang kaisipang Patriarko.

Comments

Popular Posts