Bakas ng Amerikano ni Jayvee Begaso
Bakas ng Amerikano
ni Jayvee Begaso
“Nakita mo na ba yung bagong labas na iPhone
ng Apple?” “Bro! Sale ngayon sa Topman (European clothing brand), tara let’s
shop?” “OMG! I have to study pa pala, friend! Let’s go at Starbs (Starbucks)?”.
Mga linyang sobrang dalas kung lumabas sa bibig ng mga Milenyo. Taong labing
walo siyam na pu’t walo, nakalaya ang bansang Pilipinas sa mga espanyol sa
tulong ng mga Amerikano. Ngunit makalipas ang isang taon ng Araw ng Kalayaan ,
taong labing walo siyam na pu’t siyam, pilit tayong sinakop ng mga Amerikano at
nag-iwan ng isang malaking marka o bakas – bakas na kahit kalian ma’y hindi na mabubura sa puso’t isipan ng
mga Pilipino.
Bilang isa sa mga kabataang
Milenyo, lumaki ako sa pamilya na tradisyunal kung tutuusin dahil ang
pangunahing linggwahe na ginagamit namin sa pamamahay ay Tagalog o Filipino. Sa
sobrang bihasa ko mag salita at gumamit ng Tagalog, aaminin ko na nahirapan ako
gumamit ng linggwaheng ingles ngunit kinailangan ko rin tanggapin at isabuhay
ang bawat salita na inihubog ng mga Kano at Briton, dahil ito raw ay ang
ikalawang linggwahe natin at ito rin ang magsisilbing tulay ng komunikasyon sa
iba’t ibang nasyon. Pinag-aral ako sa mga pribadong eskwelahan na kung saan
Ingles ang tamang paraan sa pakikipag komunika sa mga kapwa mo estudyante. Pag
tungtong ko ng sekondaryang antas ng pag-aaral, lumipat ako ng eskwela gawa ng
kasawaan sa paligid at hitsura ng mga tao. Nilipat ako sa mas malaking
institusyon na kung saan paligsahan sa kagalingan ng pag-gamit ng wikang Ingles
ang labanan. Natapos ko ang sekondarya at lumipat ng Maynila – lugar na kung
saan ang pagsasalita ng Ingles ang basehan ng estado sa buhay, lugar na kung saan pag mas maraming ‘imported’
na kasuotan o kagamitan ikaw ay angat sa buhay, ikaw ay nakatataas na.
Bakit? Ano bang meron sa bansa
natin at hindi natin magawang tangkilikin ang sariling atin? Oo, alam kong
hanap natin ay ang kwalidad ngunit ang kolonyal na pag-iisip ng mga Pilipino ay
patuloy na ibinababa ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa kakulangan ng mga
trabaho ng ibang kapwa Pilipino, at alam ko rin na ang Estados Unidos ay ang
pinaka asensadong bansa sa kasalukuyang kapanuhunan. Pero bakit gusto natin
gayahin ang kung ano man meron sila? Bakit pinipilit natin maging Amerika ang
bansang Pilipinas?
Dahil sa mga nakasalumuha ko –
Oo, nagging luho ko ang mga imported na kagamitan at nahawa na rin ako ng
kolonyal na pag-iisip na kapag Ingles ang ginamit mong linggwahe sa
pakikipag-usap ikaw ay angat sa buhay. Sinusulat ko ‘to upang mabuksan narin
ang aking pag-iisip ukol sa isyu na ito at siguro ilayo na rin ang aking
pag-iisip sa ganoong klase ng mentalidad.
Sa bawat pangungusap na aking
itinanong sa sanaysay na ito iisa lang ang nakikita kong rason o kadahilanan,
ang Kainggitan. Iisang salita ngunit sobrang lakas makapanira ng katauhan.
Aminin man natin o hindi lahat tayo gusto natin maging angat at isa sa mga
nakikita nating paraan para tayo ay mag mukhang angat sa lipunan ay ang
pang-gagaya. Ginagaya natin ang mga kagamitan ng Amerikano bilang sila nga ay
natural nang asensado sa buhay gayundin sa paggamit ng linggwahe, dahil iniiwan
na natin ang sarili nating wikang Filipino.
Sabi nga nila… Mahirap alisin
ang mga bagay na nakalakihan na. Koloniyal na mentalidad, sinasabing sakit na
nating mga Pilipino, ngunit para sa akin hindi na natin ito sakit. Ito ay parte
na ng ating pagiging Pilipino.


Comments
Post a Comment