BAYOLIN ni Denise Ogayon
BAYOLIN
ni Denise Ogayon
Maraming tao ang
gumagamit ng classical na genre bilang background music sa mga sosyal na kainan
o pagtitipon kaya’t karamihan ay tinigtignan ito bilang musikong nakakaburyo.
Hindi sumasagi sa isip nila na may ibang taong pinahahalagahan ang genre na
ito. Marami siguro ang mabibigla kung sasabihin kong iba ang epekto ng
classical music saakin kaysa sa ibang tao. Dahil sa isang bayolinista.
Sa tuwing ako'y
makaririnig ng mga notang galing sa klasikong instrumento, isang tao lang ang
pumapasok sa isip ko. Naaalala ko kung paano ko siya minahal sa tuwing siya ay
tumutugtog ng bayolin. Naaalala ko yung pagmamahal na nararamdaman ko para sa
kanya sa tuwing poporma ang kanyang mga labi sa isang manipis na linya dahil sinusubok
niyang maigi tumugtog ng mataas na nota. Naaalala ko kung gaano ko siya minahal
sa walang hirap niyang pagtugtog sa mabilis na pagsirko ng mga nota sa walang
hanggang kresendo. Iyon yun mga panahong mailalarawan ko siya bilang bayolinistang
isang hakbang sa taas sa linyang naghihiwalay sa "sobrang galing" at
sa "talentado".
Sa tuwing
nakakakita ako ng klasikong instrumento, naaalala ko ang mga maliliit na
detalyeng meron siya. Naaalala ko kung paano siya bahagyang nakayuko na para
bang humihingi ng paumanhin sa pagiging sobrang tangkad. Naaalala ko ang nuknukang
pagtibok ng puso ko sa tuwing nagkakatitig ang aming mga mata at pakiramdam ko
nasa dulo ako ng bangin, takot mahulog sa kamatayan pero may hindi maipaliwanag
na giit na maranasan ang puwersa ng hangin sa nahuhulog na katawan. Naaalala ko
yung pakiramdam na makita siyang tumatawa kasama ang kanyang mga kaibigan na
para bang nakatitig ako sa liwanag at init ng araw, alam kong nasusunog ako
habang naiintindihang ito ang nagbibigay ng buhay ko.
Sa tuwing
napaguusapan ang mga klasikong instrumento lalong lalo na ang bayolin, naaalala
ko kung paano ako paunti-unting sinira ng pagmamahal. Naaalala ko yung mga
maliliwanag na araw ngunit ang pakiramdam ko ay laging malamig na gabi. Naiisip
ko kung paano ako naiwang mag-isa ng inaaakalang nakita niya din ako sa paraang
nakita ko siya. Malinaw pa sa akin yung araw na sabihan niya akong, “Pasensya,
hindi na kita kayang mahalin pa.” Naaalala ko kung paano ako nagsimulang
makaranas ng depresyon. Naaalala ko kung paano kumupas ang makulay kong isip.
Ang bayolin na noon ay nagbibigay saakin ng saya ay ngayon nagbibigay nalang ng
sakit dahil sa ala-ala ng iisang tao.
Sa bawat araw na
dumaan, pakiramdam ko na tila ako’y classical music, na pwede nang pang
background music pero hindi masyadong mahalaga. Ikinumpara ko ang sarili ko sa
nakakakalmang tunog ng mga klasikong instrumento dahil, siguro nga may ibang
taong nakikita ng kagandahan ko pero karamihan ang nagtuturing saakin na hindi
mahalaga. Ang insidente sa bayolinista ang nagmulat sa akin mga mata na sa
bawat notang aking minahal, ako na ay naging classical music. Gusto kong
magbahagi ng mga saloobin ngunit, tulad ng pakikinig sa classical music, hindi
nalang pinapansin ng karamihan sa kadahilanang hindi nila ito gusto.
Sa bawat araw na
dumadaan ako ay nababahala. Naging praning ako sa maraming bagay at sobra kong
isipin ang bawat detalye sa lahat ng pangyayari. Kinakabahan ako at ako ay
nababahala, simula sa ayos ng buhok ko hanggang sa ayos ng gobyerno ng mundo.
Araw-araw na dumaan, tinitiis ko ang sakit. Minsan mapapatigil nalang ako para
umiyak dahil sobrang sakit na. Ang hirap humingi ng tulong dahil kahit ako sa
sarili ko, hindi ko maintindihan kung anong tulong ang kailangan ko. May mga
araw na hindi ako makaramdam at may mga araw na lahat nararamdaman ko. Hindi ko
alam kung anong mas matindi, kung ang mamatay sa uhaw o ang mamatay sa lunod.
Sa tuwing
nakaririnig ako ng klasikong instrumento, maraming ala-ala ang bumabaha sa
aking isipan. Pero higit sa lahat, ang bayolin, na aking kaagapay sa bawat
hakbang ng paglalakbay, ay ang nagahon sa akin sa kalungkutan. Malaki ang
epekto saakin ng classical music dahil sa isang punto sa buhay ko, iyon ang
metaporang nakapaglalarawan sa akin. Kahit kailan hindi ko inakalang magiging
ganito ang epekto saakin ng musika. Ang bawat nota sa iba’t ibang pyesang
naririnig ko ay nagpapaalala sakin ng bawat luha at ngiti.


Comments
Post a Comment