Buhay Maynila ni Allyson Reyes

Buhay Maynila
ni Allyson Reyes
Minsan napapatawa na lang ako, sa kung paano napakadaling magbago ng isang sitwasyon. Sa unang tingin aakalain mong maayos na ang lahat. Ngunit kung minsan isang sigundo lang ang kailangang lumipas, upang ang lahat ng mgga bagay na pinanghahawakan ko ay tuluyang gumuho.
Namulat ako sa isang mundo na ang tanging inaalala ko lang ay kung ano ang lalaruin ko pagsapit ng hapon, o kung sino ba ang pipiliin kong kalaro sa dami ng mga bata sa kapi’t-bahay. Ganito ako noon, palaro-laro lang. Iiyak kapag nasugatan. Hahalakhak sa mga pinaka-simpleng bagay na noon ay hindi ko naman talaga alam na simple lang.
Sa pagtingin ko sa bintana ng bus pabalik ng Maynila, hindi mawala sa aking isip ang lugar na aking kinalakhan. Hindi ko mapigilang alalahanin ang aking pagkabata. At sa aking paggala sa aking mga alaala, mas lalong hindi ko mapigilang itanong kung paanong ang dating ako ay napakalayo na sa kung sino ako sa kasalukuyan.
“Anak, kailangan mong lumipat ng Maynila. Mas maganda ang pagtuturo doon.” Ito ang laging sagot ng aking ina sa tuwing itatanong ko kung kailangan ba talaga na lumayo ako. Hindi pa naman ako kolehiyo, at para saakin, ang Senior High School ay dalawang taon lamang na kaylangan kong palipasin hanngang sa tahakin ko na ang masalimuot at makipot na daan ng kolehiyo. Hindi ko naman inakala na ang dalawang taon na sinabi kong “papalipasin” ko lang ay babaguhin ang aking pananaw ng sobra pa sa aking inakala.
Sa unang araw ko pa lang sa lungsod ng Maynila dama ko na ang pagkakaiba nito sa  Nueva Ecija. Ngunit sa pagtagal ng pamamalagi ko rito hindi naman ang mga literal na bagay ang tumatak sa isip ko. Halos hindi ko na nga mapansin ang pagkakaiba ng dalawa sa itsura. Ang alam ko lang, malaki ang pagkakaiba nila.
Marahil dulot ito ng mabilis na oras dito sa Maynila. Lahat ng tao tila nag-uunahan sa paglakad. Lahat may patutunguhan. Lahat may direksyon sa buhay. Oo, ganito ko tiningnan ang syodad na ito, kaya nga sa tuwing mapapatulala ako, tingin ko lalamunin na ako ng Maynila. Hindi ko mahanap ang tamang paglulugaran ko sa syodad na ito. Lumipas ang ilang buwan tumatak na lang sa isip ko na ang mga taong puno ng pag-aalinlangan ay walang kaluluguran sa Maynila.
Kung babalikan, ang inakala kong malawak na pagtingin ko sa mga bagay-bagay ay napakakitid  pala. Namulat ako sa malawak at bukas na pagiisip ng mga tao dito. Ang mga usaping konserbatibo kung ituring sa probinsya tulad ng LGBTQ, extra-judicial killings, politika at depresyon ay malayang pinag-uugatan ng mga talakayan. Bukas ang tainga ng bawat isa sa kung ano ba ang pananaw ng iba. Magkaiba man ng pinaninindigan, sa huli, lahat naman may kanya-kanyang pag-iisip.
Pagdating naman sa mga relasyon, nakita ko ang simpleng interaksyon dito. Walang halong kaartihan. Kung gusto ay gusto, at kung ayaw ay ayaw. Walang manghuhusga sayo kahit ilang buwan ka nang umaasa sa kaibigan mong may iba. Sabi ko nga, ang mga tao rito ay palaging naglalakad pasulong. Masakit man pero hindi maaaring parati na lang nakalingon sa nakaraan.
Napakalaya ng pagkakaibigan dito. Kung sa probinsya ay aawayin ka na nang mga kabarkada mo kapag nakipagtawanan ka sa hindi mo kagrupo, dito kahit sino ang kausapin mo, walang kukutsa sa iyo. Nadama ko kung gaano kaimportante ang magkaroon ng kaibigan lalo na sa mga panahon na nanghihina ako, at ang gusto ko nalang gawin ay ang umuwi sa amin. Sa tuwing naiisip ko ang mga taong totoo sa akin at hindi ako huhusgahan sa panahon ng kahinaan ko ay nagagawa kong pilitin na gumising araw-araw at harapin ang syodad na pinipilit kong kilalanin.
“Ganyan lang sa una. Masasanay ka rin.” Madalas ganito ang sinasabi ng iba sa tuwing inilalahad ko ang mga malungkot na parte ng pagtira ko sa Maynila. Hindi ko mapigilang isipin na kaya lang nila nasasabi iyon ay dahil hindi naman nila alam ang mga pinagdadaanan ko. Ngunit may halo rin namang katotohanan sa mga katagang ito.
Halos mag-iisang taon na din akong tumutuloy dito sa Maynila. Mag-iisang taon na akong nag-aaral sa isang magndang unibersidad. Ilang buwan din akong parang palaboy sa lungsod na ito. Pero alam kong sa pagdaan ng oras, unti-unti man, pero malaki na ang pinagbago ko.
Hindi man maganda ang aking simula, pero para saakin, ang mahalaga ay nagkaroon ng kabuluhan ang aking pamamalagi sa Maynila. Ilang araw na lang at makakatapos na rin ako ng isang semestro at malayo sa madali ang mga pagsubok na kinailangan kong harapin.
Tumapak ako ng Maynila nang hindi ko pa nakikilala kung sino ako. Damang-dama ko noon ang takot dahil alam kong hindi naman hihinto sa pagusad ang mundo para lang saakin. Mahirap man, kinailangan kong hanapin ang aking sarili. Natuto akong huwag dumipende sa iba at pagkatiwalaan ang sariling abilidad ko. Sapilitang ipinakilala sa aking ng lungsod na ito kung sino ba talaga ako at kung hanggang saan ang binatbat ko. Sinampal sa aking ng Maynila ang mga aral na ngayon ay ipinaglalaban ko na. Malugod ko itong tinanggap dahil kung wala ang mga aral na ito, hindi ko kakayaning magtagal dito.
Natutuhan ko na napakalawak ng mundo at ang mga bagay na napagtanto ko na ay maaaring iba sa pag-iisip ng iba. May mga bagay pa na mas mahirap kung ikukumpara sa sa mga napagdaanan ko at mas lalong may mga bagay na mas makatotohanan kung ikukumpara sa mga bagay na napagtanto ko. Ngunit ang mga pagbabago na nakita at naranasan ko ang siyang humubog sa kung sino ako sa kasalukuyan.

Ang pagdating ko sa Maynila ay siya ring panahon ng pagbukas ng aking isipan sa bagay-bagay. Kung dati ay takot akong makisabay sa mabilis na usad ng lungsod na ito, ngayon ay nakakaramdam ako ng uhaw sa mga bagay na hindi ko pa natututuhan. Gusto ko pang matuto at patuloy na pag-ibayuhin ang aking pagiisip. Alam kong ang realidad na kinagagalawan ko sa Maynila ay maliit pa kumpara sa madaming karanasan ng mga tao sa mundo. Kulang pa ang mga natutuhan ko, at ito ang siyang gagamitin kong motibasyon upang ipagpatuloy ko ang aking paglalakbay sa Maynila.

Comments

Popular Posts