DAMNOEN SADUAK ni Abbygail Boiser
DAMNOEN SADUAK
ni Abbygail Boiser
Isa
sa rason kung bakit paborito kong puntahan ang Thailand sa lahat ng bansa sa
Timog-Silangang Asya (maliban sa Pilipinas) ay ang mga kulay dito. Ang luntian
ng bundok na tumeterno sa bughaw ng dalampasigan sa Phi Phi Islands. Ang pula
ng Wat Chedi Luang. Ang gintong kumikinang sa Grand Palace. Ang kahel ng sabaw
ng Tom Yum na ibenebenta sa bawat kanto. Ang bawat lugar dito ay may sariling
kulay na namumukod, pero kung gusto mong mapanood ang lahat ng kulay, naghahalo
at naglalaro, and Damnoen Saduak ang iyong destinasyon.
Ang Damnoen Saduak ay
isang Floating Market sa probinsya ng Ratchaburi, 100 km mula sa lungsod ng
Bangkok. Noong ika-19 na siglo, ito’y
isang kanal na ipinatayo ni King Rama IV upang ikonekta ang probinsya ng
Maklong at Tachin. Ika nga nila, hindi kumpleto ang paglalakbay mo sa Thailand
hangga’t hindi ka pa pumapalaot sa dagat ng Maklong at Tachin.
Sa kasalukuyan, ang
kanal na ito ay ginagamit pa rin para sa agrikultura at kabuhayan ng mga
nakatira rito. Ngunit higit sa lahat, ang Damnoen Saduak ay isa nang atraksyong
panturista, kung saan pumapalaot ang mga mahahabang bangka upang magbenta at
bumili ang mga nakasakay dito.
Dahil malayo ang
Bangkok sa Ratchaburi, umalis kami sa aming hotel ng alas siyete ng umaga.
Tumagal ng dalawang oras ang sakay naming sa Taxi, at pagdating ay bumungad sa
amin ang mga lalaking sumisigaw ng barok na ingles. ‘Floting Maket? U rayd?’,
tanong sakin ng isa at dahil kami ay walang alam ni kuya, sumama kami.
Siningil kami ng 3500
baht (4500 pesos ang katumbas sa Pilipinas) para sa isang bangka, at saka lang namin
na pagtanto na ang totoong presyo pala ay 1500 baht lamang. Niloko kami dahil
napaghalataang turista. Hinayaan na lang namin dahil ayaw na masira pa ang
araw.
Nang narating na namin
ang Market Proper, naglantaran na ang kulay. Lahat ng mga bangka ng
sari-saring disenyo at haba ay nagtipon. Mga sombrero at payong na gumagawa ng
impresyon ng bahaghari. Kalat ang mga nagtitinda ng sariwang bulaklak, halaman
at prutas. May mga lalaking nakatayo bitbit ang mga ahas, alakdan at ibang
insekto na nagaalok ng photo opportunity. Sa mga gilid naman, iba’t ibang tela,
penting at iskultura ang inaalok. Karamihan sa mga produkto ay souvenirs na
sobra ang presyo. Buko Ice Cream, Biskwit na Buko, Kape, Spring Rolls na
sobrang asim, pinritong salagubang, alakdan, sugpong nakatuhog, at Pad Thai ay
inilalako ng mga matatanda sa kanilang maliit na bangka. Kahit saan ka
lumingon, parating may pahiwatig ng kanilang kultura. Nagtagal ng dalawang oras
ang sakay at ibinalik na kami sa pier.
Sa lahat ng kulay sa
Damnoen Saduak, ang pinakamatingkad ay ang mga kulay ng tao. Sapagkat ang
palengkeng ito’y hindi na lamang isang bilihan, bagkus, isang patibong para sa
mga turista, lahat ng klase ng tao ay makikita mo dito. May mga Hapones, Chino,
Pilipino, Briton, Arabo, Espanyol at higit pa. Iba’t ibang wika ang maririnig,
kulay ng balat at paraan ng pagkilos—magkakasamang tinutuklas ang makulay na
kultura ng Kaharian ng Thailand.
Babalik ako rito,
ipinangako ko sa sarili, upang masaksihan muli ang mga kulay. Pero sa
pansamantala, babalik muna ako sa aking bansa upang linangin ang aking
kayumanggi.


Comments
Post a Comment