Dilaw na Bikini ni Leila Rufino
Dilaw na Bikini
(ISANG TRAVEL ESSAY)
ni: Leila Rufino
“Tignan mo yun oh.” Sabay turo sa akin.
Dalawang
matandang lakaki. Harap-harapan akong pinag-uusapan habang ako’y naglalakad sa dalampasigan ng isa sa
pinaka-sikat na destinasyon sa Pilipinas, ang Boracay. Suot ko ang dilaw na
bikini na binili ko ilang linggo bago ang aming lakad. Ramdam ko ang buhangin sa
ilalim ng aking mga paa at ang maalat na hangin na dala ng alon sa karagatan.
Ramdam ko rin ang titig ng dalawang matanda.
Ngunit hindi ko na ‘to
pinansin.
Hindi ko ‘to pinansin, ‘di dahil sa hindi ako nabastos o nainis. Hindi ko
‘to pinansin, ‘di dahil sa wala akong pakialam. Hindi ko ‘to pinansin — dahil ako’y sanay na. Malungkot mang sabihin, ngunit ang
ganitong pagtrato sa kahit sinumang-babaeng may lakas ng loob na magdamit nang
kung saan at paano sila komportable, maiksi man ito, ay isang kulturang tila ‘di maalis-alis sa Pilipinas.
Patuloy akong lumakad, kasama ang aking kapatid,
papunta sa aming hotel upang mag-ayos para sa aming mga plano sa araw na
iyon. Kinuha ko ang aking pamatong at ang waterproof pouch na aking binili para sa
aking telepono.
Ang susunod kong natatandaan
ay ang mainit na ihip ng hangin, ang tunog na dala ng mga alon, at ang
makalula-lulang tanawin sa harap ko. Dalawang-daang metro ang taas ko mula sa
dagat. Unang beses kong maranasang mag-parasailing.
Napakatahimik pala kapag ikaw ang nasa taas.
Tanaw mo ang lahat. Tila hindi natatapos ang tubig, at tila napakapayapa ng
kapaligiran. Sa mga sandaling tulad nito ay makikita mo kung gaano kaliit ka
lamang sa mundo — kung gano kaliit ang mga problema mo, at kung gaano
kaliit ang papel mo rito. Sa mga sandaling ito ay makikita mo kung gaano
kasarap mabuhay. Mababaw man pakinggan, isa ‘tong karanasan na ‘to sa bilang na karanasang tunay kong tinuturing
na kayamanan.
Ilang sandali lang ang lumipas ay nadatnan ko na
ulit ang aking sarili na nakadungaw sa gilid ng aming speed boat, papunta sa helmet diving station. Dito ko naranasang
harap-harapang makita ang marami’t
makukulay na mga isda sa pinakailalim ng dagat. Nabigyan ako ng pagkakataong
pakainin sila at malapitan silang makahalubilo. Iba’t-ibang uri ng isda ang
aking nakita. Ako’y namangha sa
sari-saring uri na ni minsa’y di ko
naisip na maaaring mabuhay sa ilalim ng dagat.
Sumunod dito ang paboritong parte ko ng aming
bakasyon. Kami’y nag island hopping kasama ang buong
pamilya, ang aking lolo at lola, at ang ibang mga kaibigan ng aking ina.
Paborito ko ito dahil kumpleto kami at naging pagkakataon ito kung saan kami’y nakabuo ng mga alaala na walang katumbas.
Sa island hopping na ito, nakita ko ang tunay na
ganda ng Boracay. Ang napakalinaw na tubig, ang masarap na simoy ng hangin, at
ang napakaputing buhangin. Tila ako’y nasa isang paraiso. Dito ko napagtanto na tunay ngang
walang kapantay ang mga bagay na tulad nito. Hindi nabibili ng pera ang
ganitong karanasan; ang ganitong alaala.
Bukod sa napakagandang mga tanawin, ang kultura
at kakanyahan ng Boracay ay isa rin sa mga pangunahing dahilan kung bakit ang
Boracay ay patuloy pa ring nangunguna bilang isa sa mga pinakasikat na
destinasyon sa Pilipinas. Ang mainit na pagtanggap ng mga lokal ay ‘di mapapantayan ng ganda ng karagatan. Iba sa
Boracay. Ramdam mo ang saya dito kahit ikaw lamang ay simpleng naglalakad sa
dalampasigan.
Ramdam mo ang saya sa umaga, sa tirik ng araw.
Ramdam mo ang saya sa gabi, sa liwanag ng buwan. Walang pinipiling oras dito.
Marami kang maaaring gawin tulad ng mag-shopping sa kanilang mall at kumain ng masasarap na
pagkain sa kanilang palengke, lalo na’t
kung ikaw ang pipili mismo at magpapaluto.
Sa lahat-lahat, masasabi kong tunay ngang kakaiba
sa Boracay. Ilang beses na akong nakakabalik rito ngunit bawat balik ko’y hindi nababawasan ang aking paghanga at
pagmamahal sa lugar na ‘to.
Kahit na minsa’y naiisip ko na hindi na ito kasing-linis tulad
ng dati, hindi pa rin ito nagiging dahilan upang hind ako maging sabik tuwing
ito’y nababanggit.
Ang Boracay ay isa sa mga
pinakamagandang tanawin sa Pilipinas. Ngunit hind pa laging kasing-ganda ng
lugar ang ugali ng mga turista dito. Tulad sa maraming lugar, marami pa ring mga
turista ang tutulad sa dalawang matanda na aking nabanggit. Ngunit kahit
kailan, hindi nito mabubura ang ganda ng lugar. Kaya’t ako’y babalik at babalik pa dito. Sigurado yan.


Comments
Post a Comment