Earphones ni Christine Gueco
Earphones
ni Christine Gueco
Pagharap ko
sa salamin ay nakita ko ang pagod na mukha, maitim at napakalaking eyebags at
payat na pisngi. Anong oras na at hindi pa rin ako natutulog. Namumula na ang
mata at tila hapong hapo ang mga ito. Nakakaawa at napasabi nalang sa sarili
na, "Puyat na naman ako."
"Kring! Kring-g-g-g-g!" Kring!" Tumunog
na naman ang alarm. Hudyat na oras na para maligo, patuyuin ang buhok at unatin
ito gamit ang plantsa para confidently beautiful pagpasok sa eskwelahan.
Patuloy ang paglagas ng buhok ko sa sahig pero syempre bago umalis ay kailangan
ko walisan ang mga nalagas na buhok na nalaglag sa sahig. Pagkatapos magwalis
ay pupunasan ang mukha sapagkat pawis na pawis. Dali dali akong lalabas at
tatakbo dahil pagkatingin ko sa
orasan ay 6:30am na at ako'y tatanghaliin na sa alas siyete kong klase. Pero
hindi ako papayag na aalis akong wala ang aking starter pack. Starter pack ba
kamo? iPhone 6s, Spotify Premium saka samahan na rin ng earphones. Siguradong
pangmatindihan iyan. Nako po, yari na naman ako sa professor ko.
Eto na, nakikita ko nang paparating ang fx. Puno ang karamihan
ng fx ngunit may dumating na isang fx na isa na lamang ang kulang. Pinatulan ko
na kahit nakita kong siksikan. Okay lang kahit isiksik ko na ang sarili ko
basta makapasok lang at umabot sa 7am na klase. "Bayad po, sa UST po yan
kuya." wika ko. Matapos magbayad ay agad kong isinaksak ang earphones sa
aking cellular phone. Namili ng magandang tugtugan, scroll down para makita ang
aking playlist na ginawa. Sa wakas ay nakapili na rin ng kanta. Hirap na hirap
ako sapagkat sira ang aircon, siksikan at sumasakit na ang likod at pwet ko
dahil hindi ako nakasandal at kalahati lang ang aking nauupuan. Pero walang
akong nagawa at nakatulog pa rin ako habang nasa byahe. Tuloy ang tugtog habang
nasa byahe. Naging matagal ang byahe dahil sa matinding daloy ng trapiko sa
Quezon Avenue at samahan na rin ng sugapang traffic lights sa EspaƱa. Matapos ang
matagal tagal na byahe ay nakarating na rin sa ako UST. Tinanggal ko ang
earphones at narinig ko ang tugtog na hindi maganda sa pandinig. Tugtog na para
bang hindi natatapos at walang kaayusan. "Hay. Ang sakit sa tenga."
winika ko.
Isang araw na naman ang lalagiin ko sa eskwelahan. Umaga
palang ay tila pang hapon na ang awra ko. Nawala na ang pagkaunat ng buhok at
hulas na hulas na pumapasok sa silid-aralan. Walang gana, walang maintindihan
sa mga tinatalakay, pinipilit matutunan ang mga konseptong ibinase sa
curriculum ng ibang bansa. Araw-araw ay hinihintay ko at ng aking mga kaklase
ang uwian. Ganito palagi ang nangyayari. Walang bago. Paglabas ng ust,
mag-aabang na naman ng fx. Isasaksak muli ang earphones sa cellular phone.
Ngunit sa pagsaksak ko ng earphones ay may kapayapaan. Napipili ko ang tunog na
nais kong marinig. Yung tugtog na hindi masakit sa tenga at yung tugtog na
maganda ang areglo. Banayad ang aking pakiramdam na parang walang problema.
Nakangiti at humuhuni huni pa habang sinasabayan ang tugtog. Ang earphones na
labis kong pinahahalagahan sapagkat sa oras na ilagay ko ito sa aking tenga ay
masaya ang aking mood at may kalayaan ako na para bang walang kumokontrol sa
akin. Hawak ko ang mga bagay bagay. Magandang tugtog at totoong sarili ko ang
lumalabas sa tuwing gagamitin ko ang earphones ko. Ngunit nakakalungkot man
isipin ay ang tugtog na kaaya-aya sa pandinig ko ay panandalian lamang. Sa
aking pagbaba sa sinasakyang fx ay tatanggalin muli ang earphones at rinig na
rinig ang nakakabahala, nakapanlulumo at umuugong na tunog ng kapaligiran na
aking nilalakaran at ginagalawan.


Comments
Post a Comment