Eskaparte ni Gay Marie Tiglao

Eskaparte
 ni Gay Marie Tiglao

            Marahil ang bawat tahana’y mayroon nga talagang aparador. Eskaparte di umano ang isa pang tawag dito. Maaaring mas malalim na pagsasalinan ng nasabing salita. Hindi porke’t halos lahat ng tao ay may aparador sa kanilang tahanan ay nangangahulugang pare-pareho na ang mga ito. May mga aparador na gawa sa kahoy, ang iba naman ay sa plastik. Kung may mga bourgeoisie kayong kilala, maaaring ang sa kanila ay gawa sa salamin, o di kaya nama’y kaya mong pasukin at libutin. Iba iba man ang itsura, ang laki, ang disenyo, ang pinagmulan ng mga aparador ng mga tao, tila masasabi ko pa ring may pagkae-espesyal ang sa amin.

            Ang tulugan ko’y nasa ibaba ng kama ng aking ina. Magkasama kami sa iisang kwarto dahil nasa ibayong lugar ang aking ama. Sa tabi ng aking tinutulugan ay mayroong aparador. Kung magigising ako sa kaliwang bahagi ng aking hinihigaan ay makikita ko agad ito. Gawa sa kahoy, luma na. Matagal-tagal na itong nasa amin. Masasabi kong ma-ingat talaga sa mga bagay-bagay si Mama.
            Sa eskaparte kong ito nilalagay ang aking mga damit, may mga bago na at ang iba nama’y matagal na nang aking huling nagamit. Mayro’n ding mga nakasabit na mga bag na nababakbak na dahil hindi ko na inilalabas. San ko ba nakuha yung kulay kahel na backpack? Sa loob rin ng aparador makikita ang mga laruang matagal ko nang hindi nalalaro. Mga gamit na matagal nang naka-imbak pero hindi ko kayang alisin, maaaring dahil sa mga alaala nitong bitbit. Kung tutuusin, malaki-laki ang espasyong nauukupa nito sa aming kwarto ni Mama, ngunit tila hindi namin ito alintana.

            Habang tumatagal ay tila mas nagiging mulat ako sa paggamit ng eskaparteng ito. Mas pinagtutuunan ko na ng pansin ang mga nasa loob nito; ang bilang ng mga hanger na tila mababali na sa bigat ng dinadala, ang mga laruang matagal nang hindi nalalaro dahil maalikabok na o masyado na kong matanda para maglaro pa, mga bag na bakbak na dahil nung huling beses ko yatang ginamit yung kahel na bag ay nung ako’y Grade 6 pa. Bukod sa mga dati pang laman ng aparador na tila hindi na magagamit, may mga natatagpuan din akong magagamit ko pa pala.
            At kung may mga bagay na matagal nang nasa loob ng aparador, mayroon din akong mga panibangong inilalagay. Mga bagong damit na masusi kong pinili bago bilhin at isabit sa mga hanger sa loob ng eskaparte; mga bagong bag na paglalagyan ng mga gamit na kailangang kong bitbitin; mga bagong kagamitang maaaring pang-eskwelahan at hindi na mga laruan. Mga bagay na kay-halaga kaya’t kailangan ko ng mapagtataguan.
            Kaya kung tutuusin, ang aparador na ito ay napakahalaga. Kahit na napakalaki ng espasyong inuukupa nito sa aming kwarto ni Mama ay ‘di ko alintana. Kahit pa matagal tagal na itong narito ay ‘di ko ito kayang alisin. At dahil nga sa mga bagay na nasa loob ng eskaparte, dahil sa mga pinakatatago-tago kung mga kagamitan, hindi ko hinahayaang mabuksan ito ng sinuman.

            Ngunit sa hindi inaasahang araw, natagpuan ni Mama ang susi ng eskaparte. Hindi ko alam kung dapat kong kunin ito sa kanya at muling itago. Balisa kong pinag-isipan ang aking gagawin dahil alam kong balang araw ay kailangan ko ring hayaan siyang buksan ito. Kaya naman kinuha ko ang susi, at hindi naging madali ang pagbubukas ko ng aparador para sa kanya. Ngunit mas lalong hindi naging madali ang malaman kung anong magiging reaksyon niya sa kanyang mga makikita. Dahil ang nasa loob ng aparador ay ang mga bagay na hindi niya binili para sa akin, mga bagay na hindi siya ang pumili, mga damit na patago kong isinusuot, mga bag na patago kong binibitbit.
            Higit sa lahat, nasa loob ng aparador ang mga pinkatatago kong mga sikreto, mga kwentong kailanma’y hindi ko nabanggit, mga taong ipapakilala ko pa lamang, mga alaalang ako lang ang nakakaalam. Dahil higit sa mga damit, mga laruan, at mga bag. Nasa loob ng eskaparte, Mama, ang iyong anak. Sabik na ‘kong makalabas.


Comments

Popular Posts