Hapunan ni Kristen de Guzman
Hapunan
ni Kristen de Guzman
Walang
halong pagkabigla, mababa na naman ang nakuha ko sa Araling Panlipunan. Hindi
naman kataka-taka dahil inaamin ko namang mahina ako sa pagsasaulo. Hindi ako
interesado sa mga petsa at numero. Lalong mas wala akong pakialam kung sino na
ang mga naging president na ng Pilipinas. Umubos man ako ng isang litrong kape
ay makakatulugan ko pa rin talaga ang pagbabasa ng mga istorya patungkol kay
Rizal.
Ngunit
kahit ganoon man, malaki ang respeto ko sa mga aral ng kasaysayan. Lagi akong
nagpapasalamat dahil maswerte pa rin ako sapagkat nabuhay ako sa panahon na
kung saan malayo tayong lahat sa gulo at may kalayaan akong gawin lahat ng
gusto ko. Hindi ko maisip na ilagay ang sarili ko sa katayuan ng ating mga
ninunong Pilipinong inalisputa.
“Hay,
salamat sa Diyos at nawala na rin ang mga gago’’, batid ko sa aking sarili
habang pilit na binabasa ang maikling sipi patungkol sa panahon ng Espanyol sa
Pilipinas. Maya maya lamang, ng makaramdam ng gutom, ay nagtungo akong 7-11
upang maghapunan.
Sa
kalagitnaan ng aking paghahapunan, bigla akong nakarinig ng matinding ingay na
nagmula malapit sa may kahero.
“Sir,
hindi ka dapat ganan umasta! Hindi naman kita inaano diyan pero parang ung
makatingin ka may problema ka sakin!”. May nag aaway na pala. At dahil may
pagkausisera rin ako, lumingon ako sa direksyon ng pinanggagalingan ng ingay.
“Pasensya
na ho. Hindi ko po kayo tinitignan ng masama”, pilit na humihingi ng
kapatawaran ang matandang kahero. Batid sa kaniyang mga mukha ang takot at
hiya. Maputla ang kaniyang pisngi buhat na rin siguro ng kaniyang panghihina.
Bakas din sa kaniyang mukha ang pagod at ang katandaan. Kung mayroon man akong
nararamdaman tungkol sa sitwasyon ay ito ang pagkaawa kay manong. Sa katunayan
pa nga niyan, mukha naman talaga siyang disente at mabait.
Hindi
pa rin napigilan ng paghingi ng kapatawaran ni Manong ang lalaking pilit na
pinagpipilitan na siya ay binastos. Mas lalong gumawa pa nga ito ng eksena ng
sinabi niyang kaya niya raw patalsikin sa pwesto si Manong.
“Eh Manong, kung alam mo lang kung ilan na ang
napatalsik ko dahil ako ay ginanyan na! Nasaan ang manager dito at kakausapin
ko!”
Ng
marinig ko ang kayabangang ito, kahit hindi pa ako tapos sa pagpapak ng aking
manok at hindi pa ubos ang aking kape, ay kaagad akong tumayo at umalis. Hindi
ko na kayang tignan ang mga susunod pang mga mangyayari.
Bumalik
ako muli sa bahay at binasa muli ang sipi patungkol sa panahon ng Espanyol sa
Pilipinas habang paulit ulit na sinasabi sa sarili na maaga pala para
magpasalamat sa panahon kung kailan ako nabubuhay. Mayroon pa rin pa lang mga
inaalipusta. Mayroon paring mga nang gugulo. Wala pa talaga tayong kalayaan.
Nandiyan pa rin talaga ang mga taong gago.


Comments
Post a Comment