Hinagpis sa pamilya ni Princess Cruz

Hinagpis sa pamilya
ni Princess Cruz

Noong bata pa ako, wala akong ibang problema kung hindi ay, 'paano nga ako makakalabas ng bahay', 'gusto ko din ng laruang katulad ng nakikita ko sa kalaro ko', at 'kanino kaya ako makikipaglaro'. Aaminin ko, noong bata ako ay punong puno ako ng pagmamahal ng aking pamilya. Noong pinanganak ako sa mundong ito nang walang kamuwang-muwang, walang alam at lebel sa buhay. Andyan ang pamilya ko para turuan, at bigyang alam ako sa paligid ko. Andyan sila upang alagaan ako, gabayan ako sa lahat ng bagay, at pagsabihan ako kapag ako'y nagkakamali. Andyan din sila upang bigyan ako ng payo lalong lalo na kapag ako nawawala sa aking landas.
Hanggang sa pumasok ako sa aking eskwelahan, at grumaduate ako sa ika-anim na baitang, nang hindi ko man lang namamalayan. Ika nga nila, talagang mabilis ang oras lalo na kapag masaya ka. Mula sa pagkabata hanggang sa ako'y makapagtapos sa elementarya ay punong puno ako ng pagmamahal ng aking pamilya maging aking mga pinsan. Pero biglang nagbago ang lahat.
Nang tumapak ako ng unang taon sa hayskul, bigla na lamang nagiba nag lahat. Bigla na lamang naging kulay abo ang lahat, bigla na lamang nagkalayo ang lahat, bigla na lamang parang may malaking pader ang nakaharang sa bawat meyembro ng aking pamilya.
Dito ako nagsimulang mag-isang tahakin ang aking landas. Naguguluhan, nagtataka, nawawala, nalilito, at nababagabag.
Naghanap ako ng pagmamahal na dapat natatanggap ko sa aking pamilya. Buti na lamang, ay madami akong kaibigan na napagsasabihan ko ng aking problema, na dapat ay ang aking pamilya ang nakakarinig nito. Pumasok ako sa relasyon, na alam ko, makakatulong sakin upang matugunan ang pagmamahal na aking hinahanap.
Lahat nang ito, ay walang kaalam alam ang aking pamilya, at hanggang sa dumating na magtanim ako ng galit sa aking mga magulang. Nawalan sila ng oras, nawalan ng pake, nawalan ng panahon, at nawalan ng pagpapahalaga para sa amin.
Paano na kaya ngayon? Ngayong, wala silang alam tungkol sa akin. Ni isang katiting sa aking pagkatao. Ni isang katiting sa mga paghihirap ko. Ni isang katiting sa pinagdaanan ko. Ni isang katiting sa aking nararamdaman. Ni isang katiting sa buhay ko.
Alam na kaya nila? Na pumasok ako sa isang relasyon na alam kong hindi nila tanggap. Alam kaya nila? Na nagugulahan ako sa kung ano ako. Alam na kaya nila? Na nasa isa akong relasyon, kung saan babae din ang iniibig ko.
Isang araw, lumabas ako kasama siya. Pumunta kami sa isang lugar na malayo, kung saan walang nakakakilala sa aming dalawa, nang sa gayon ay hindi kami mahulit at makita ng aming pamilya. Noong araw na iyon, kapag hawak ko ang kamay niya, bigla bigla na lamang nawawala ang mga problema ko sa tuwing kasama ko siya. Makita ko lamang na ngumiti at maging masaya siya sa akin, ay napapatunayan ko sa aking sarili na kahit kulang ako sa pagmamahal ko sa aking pamilya, ay kaya ko palang magmahal at ibigay ang aking makakaya upang mapangiti lamang ang isang tao. Subalit, mabilis lumipas ang oras, napagpasya na niyang umuwi at bumalik sa kanilang bahay.
Nang nasa sariling kwarto na ako, tila’y bumalik nanaman ang puso kong manhid. At umiiyak sa sobrang galit. Bakit ba nila akong ginawang ganito?
Hapunan, lahat kami ay nasa hapag-kainan. Robot kung gumalaw, walang imikan, walang kamustahan, walang wala.
Nagsalita na ako, binasag ko ang katahimikan, at bigla na lamang umiyak sa kanilang harapan. Ayokong makita nila ako ng ganito. Hindi ko na talaga kaya ang ganitong sitwasyon, hindi ko kayang tiisin. Kung itatago ko pa ito, alam kong sa sarili ko ay mababaliw na ko. Sinabi ko lahat ng aking hinanakit, lahat ng gusto ipagsigawan ng aking puso, lahat ng tumatakbo sa isip ko, lahat lahat pero… may isang bagay akong hindi sinabi. Itinago ko ito sa kanila, dahil alam kong hindi nila ito matatanggap.
Alam kong hindi bukas ang kanilang utak, hindi nila ako maiintindihan. Kelan nga ba nila ako inintindi? Alam kong ipinapakita sa pamilya kung gaano kahalaga ang pagmamahalan sa bawat isa. Ang akala kong pamilya ko ang magpapakita at magpaparamdam nito sa akin ay iba pala.

Ito ang aking batid sa lahat ng iba pang pamilya, ang pagmamahalan, pagpapahalaga, at oras ng pamilya ay isang mahalagang bagay kung saan ibinibigay natin sa bawat isa. Ang may matatag na pamilya ay isang pundasyon ng lahat ng dakilang bansa.

Comments

Popular Posts