Huwag Sandalan ang Pinto ni Abbygail Boiser

Huwag Sandalan ang Pinto
ni Abbygail Boiser

‘Maging alerto sa paligid. Yakapin ang bag. Wag kausapin ang kahit na sino. Iwasan ang tumingin sa mata.’ Tandang-tanda ko pa ang takot na nakapinta sa mukha ni nanay habang binibilin niya sa akin ang mga ito sa umaga ng aking unang pagsakay sa LRT 2. Sa kamangmangan ko noon, hindi ko maiwasang magtaka: ano ba’ng klaseng mundo ang nakapaloob sa basurang tren na ito?

Sa labing-anim na taon kong pamumuhay, hatid-sundo ako ng aming drayber. Mapa-eskuwelahan, mall, bookstore at kahit  sa mga distansyang kayang lakarin, tulad ng bakery at computer shop. Nasanay akong nakaupong kumportable sa aming sasakyan, umiidlip ng walang pagaatubili, ignorante sa mga karumal-dumal na pangyayari sa labas ng aking bintana, dahil siguradong sa aking paggising ay naroon na ako sa aking destinasyon.

Ngunit sa pagpasok ko sa University of Sto. Tomas, nagambala ang aking mapayang idlip. Sapagka’t hindi na posibleng araw-araw akong ihatid mula Antipolo hanggang España, napagpasyahan ko na sumabak sa basurang tren.

Alas singko ng umaga nang tumuntong ako sa Santolan Station at naglaho sa dalos ng mga taong tulala, antok, at nananiginip pa. Nagtanong ako sa isang matandang babae kung paano at saan bumibili ng tiket, at sinagot niya lang ako ng pagiling. Inintindi ko na lang at baka wala pa sya sa wisyo. Matapos ang ilang minuto ng pagmamasid-masid, natutunan ko ang pagpindot-pindot sa isang bending masyin, at sa wakas, nakabili na din ako ng tiket. Pumanhik ako sa hagdang nagpapanggap na escalator (Aayusin daw, pangako nila, pero matatapos ko na ang ika-11 na baitang at lumaki na ang aking binti. Ano na?) at pagdating sa taas ay nararamdaman ko na ang banta ng aking hika. At habang hinahabol ko ang aking hininga, hinahabol ko rin ang pagsara ng pinto ng tren. Sira ang AC, kaya’t tagaktak ang pawis ng lahat ng nakasakay. Papasok pa lang ako, ngunit ang itsura’y parang pauwi na.

Sa hapon naman, mas malalim na lebel ng impyerno ang maranasan sa loob ng tren. Pagpatak ng rush hour, isang agresibong dagat ng katauhan ang nagaanyo. Ang lahat ay nagmamadaling makauwi, makatulog, makapiling ang mahal sa buhay kaya’t ang mga ibang pagaalala ay iniiwan sa plataporma at sa riles. Ipagsisiksikan ang sarili, susuot sa maliit na espasyo, kakapit sa kahit anong mahawakan, dahil ang maiiwan sa España ay hindi makakauwi. Pawis na naghalo sa sangsang na ‘di mawari, malagkit na hawakan, chismisan ng mga tinedyer , at ngawa ng sanggol. Ginusto ko’ng umupo ngunit masama ang tingin ng mga nakakatanda sa’kin. Wala bang karapatan ang mga bata na umupo? Hindi ba lahat ay napapagod din? Mayroon bang lugar anh isang patpating tinedyer na tulad ko sa tren na ito?

Sa sampung buwan ko na pagsakay sa LRT2, naninibago at napapagod pa din ako humalaw sa mundong nakapaloob dito. Pero, ni minsan, hindi ko kinainisan ang tren.

Bakit? Tuwing sumasakay ako sa LRT2, tila unti-unti kong nauunawaan ang buhay. Nagkakaroon ng pira-pirasong sagot sa aking mga pinakamalaking tanong sa buhay.

Para kasing isiniksik sa maliit na kompartamento ang kapirasong bahagi ng mundo at kahit saang direksyon ka lumingon, iba’t ibang kwento ang iyong masasaksihan. Mayroong magkaibigan na nagtatawanan, mayroon naman nagkainisan. May isang babaeng nakasandal sa balikat ng isang estranghero. May nanay na nanghihingi ng limos para sa kaniyang anak na nangangailangan ng operasyon. May natutulog habang nakatayo. May nagrereview, naglalaro ng Candy Crush, nakikinig sa kaniyang iPod at ang iba naman ay tulala. Lahat ng klase ng tao ay makakasalamuha mo rito—bata, bakla, senior citizen, empleyado, conyo, lasenggeri, at bulag. Iba-ibang itsura, pangalan, relihiyon, pangarap, at hilig, maliban na lang sa kolektibong pagaasam na makarating sa kanilang pinaroonan.

Naiintindihan ko na sa bawat istasyon ay may umaalis at dumadating na tao. Na may mga pagkakataon na kahit makipagbunuan at makipagunahan ka, hindi ka talaga makakaupo, dahil hindi parating makatarungan ang trato ng mundo. At magtiis kahit nangangalay na ang binti, dahil nasa Pureza na, ngayon ka pa ba susuko? Napagtanto ko rin dito na ang mga tren ay may sari-sariling depekto—AC na heater, pintuang ayaw magsara, hawakan na napigtal. Ang ilan ay mabagal tumakbo, iba naman ay parang space shuttle. Minsan ay nasisiraan, nawawalan ng enerhiya at tinatamaan ng kidlat. Pero lahat naman, nakakarating.

Wala talagang isang araw ang kapareha ng nakaraan. Patuloy ang pagbabago sa tren at sa mga pasaherong binibitbit nito.


Pero isa lang ang nananatiling hindi magbabago kailanman: patuloy na susulong ang basurang tren, hangga’t may mga taong may pinaroroonan.

Comments

Popular Posts