Init at lamig: Muling pagbabalik sa Baguio ni John Andrew S. Guevarra

Init at lamig: Muling pagbabalik sa Baguio
ni: John Andrew S. Guevarra
Marami sa atin maging mag-aaral man o guro, lokal man o turista, batat matanda ang nagnanais na makahanap ng isang lugar na malayo sa problema at ingay ng mga lansangan sa kaniya-kaniyang mga lungsod. At dahil tag-init nang muli, naisipan namin na muling magbalik sa Baguio.
Ang salitang Baguio ay nagmula sa salitang katutubong Ibaloi na bagiw na ang ibig sabihin ay lumot. Ito ay dahil na rin sa topograpiyang istraktura ng pook kung saan maraming lumot sa kapaligiran. Binansagan din itong  “Summer Capital Of The Philippines” alinsunod sa pagdedeklara noong Hunyo 1 taong 1903 ng Philippine Commission.
Malaki na ang pinagbago ng Baguio mula ng huli kaming bumisita rito ng aking pamilya. “Highly Urbanized” na nga ika nila.  Kung saan ang mga bagay na inaasahan naming wala rito tulad ng ingay, dumi sa kapaligiran, at higit sa lahat na traffic na mayroon sa Maynila ay naabot na rin pala maging ng talampas na nooy tahimik at maaliwalas.
Pumunta kami rito noong ika-27 ng Abril taong kasalukuyan kasama ang aking buong pamlya. Pansamantala kaming nanuluyan sa isang retreat house na pinapatakbo ng St. Paul Sisters. Unang araw pa lamang ay bumisita na kami sa ilang mga lugar na makikita lang sa Baguio.
Narito ang ilan sa mga lugar na sinisigurado kong magugustuhan ninyo;
1.      Burnham park
2.      Strawberry Farm
3.      The Mansion
4.      Camp John Hay
5.      Teacher’s Camp
Ang mga pook na ito ay di lamang mayaman sa taglay nitong istraktura at kalikasan kundi pati na rin sa nakakabit nitong kasaysayan na humubog sa sibilisasyon at pagkakakilanlan ng Baguio bilang isang pook bakasyunan.
Narito naman ang ilan sa mga tips upang maging mas komportable at masaya ang pagbabakasyon sa Baguio;
Una, laging magdala ng panaga sa lamig na taglay ng Baguio sapagkat kahit may kataasan ang sikat ng araw ay hindi naman maitatanggi na mababa ang temperatura rito.
Ikalawa, laging magpasama sa tuwing pupunta sa isang pook upang makaiwas sa kahit anumang banta ng panganib.
Ikatlo, magdala ng pasobrang  pera upang may magamit sakaling may mga pagbabago sa naunang plano gaya ng pananatili ng mas mahaba kaysa sa orihinal na 3 araw na bakasyon.
Pangapat, makabubuting manuluyan sa may kamag-anak upang magkaroon din ng pagkakataong makasama sila kahit sa saglit na panahon lamang at makatipid na rin sa gastusin ng panunuluyan sa isang hotel.
Panghuli, pansamantalang isantabi ang lahat ng gawain at lasapin ang bawat minuto ng bakasyon kasama ang mga mahalagang tao na kasama mo sa bakasyon.

Ang Baguio ay isang lugar na di lamang pinaiinit ng mga magsing-irog o mas pinalalamig ng mga sawi sa pag-ibig kundi isang pook na masayang pasyalan lalo na kung kasama mo ang iyong buong pamilya. 

Comments

Popular Posts