Interseksyon ni Faith Santos

Interseksyon
ni Faith Santos

            Walang makapipigil sa isang estudyante na umuwi ng probinsya matapos matambakan ng gabundok na gawain. Buti na lang nagpatsek-up ang nanay ko sa UST Hospital noong huwebes kaya sumabay na ako sa kanila pauwi ng Bulacan. Lalabas kami ng Lacson at kakaliwa papuntang Dangwa, tapos Dimasalang, hanggang sa A. Bonifacio. Ngunit sa pagtigil namin sa spotlight ng inerseksyon sa pagitan ng 5th Avenue at A. Bonifacio, nakasaksi ako ng isang pangyayaring nakadudurog ng puso ko. Sa pagtawid ng isang L300, nalaglag ang isang libro. Sumunod ang isang truck. Sumunod ang hukbo ng mga class 1 na sasakayan. Sumunod ang mga van, SUV, at motorsiklo. Sinagasaan lang ng mga gulong ang bawat pahina ng inosenteng libro na sana’y di nasadyang tinapon sa gitna ng interseksyon. Ngunit, lalong sumama ang pakiramdam ko noong naging luntian na ang ilaw ng daan namin.  Noong nakita ko ang mga traffic enforcer na nagkwekwentuhan, nagtatawanan, at nakatingin ng deretso sa pinanggalingan namin.
            Noon siguro, noong nag-aaral pa lamang ako sa Malolos, hindi ko mapapansin na may librong pinagdamutan ng pansin at binugbog lang ng polusyon at rubber. Pero sa pagmulat ng mata ko sa kung ano ang nasa harap ko at pagkawala ng pansin sa kung ano ang nasa cellphone ko, hindi ko mapigilang makaramdam ng hiya at pagsisisi – na walang makapipigil sa mabilisang pagktakbo ng mundo. Walang laban ang isang musmos na libro sa sampu, bente, kwartentang gulong na minamaneho ng mga trabahador na halos naligo na sa sarili nilang pawis para lang may pambili ng kanin at ulam pag-uwi nila. Walang makapipigil sa mga nagmamaneho ng mga magaganda at magagarbong kotse para maisundo ang mga amo nilang wala nang ginawa kundi makisosyo sa mg amiga nila at mag-inuman sa mga bar. Walang pakielamanan. Walang may pake.
            Nakakainis. Nakakapanlumo na narito ako, nag-aaral, inaalam ang mga isyu ng Pilipinas at tinitingnan ang mga nakatapos ng kolehiyo at ang mga di nakatapos ng hayskul. Narito ako, nag-iisip ng konkretong paraan para makatulong sa Pilipinas, nasasaksihan ang mga kababayan kong makasarili, ganid, at walang pakielam. Narito ako, bagot na sa kaiintay ng diploma ko para lang may making sa akin at magipagdebate sa kung ano ang mas nakabubuti para sa mga taong walang emosyon ang mga mukha at nakatingin sa kawalan. Narito ako, nakakapit sa patalim para lang matupad ko ang tungkulin ko bilang isang estudyante, at bilang isang Pilipino.
            Kinabukasan, sinundo namin ang aking mga kapatid mula sa trabaho. Napag-usapann namin na magkita sa isang mall at kumain na lang ng hapunan doon. Kasama ko ang pinsan ko papunta sa isang bookstore. Bumungad sa amin ang mga librong YA (Young Adult) na may mga cover na hindi naman nakapang-aakit. Aaminin ko, noong bata ako ay mahilig ako sa mga ganyan pero sa paglipas ng panahon ay napunta ang atensyon ko sa iba. Pumunta ako sa seksyon ng Filipinana, sa bandang likod pagkatapos ng mga klasiko. Maraming komiks, mga librong pampatawa at iba pa. Ngunit nakita ko ang isang kahindik-hindik na librong inaabangan ko ang paglabas. Ang librong iyon ay tungkol sa malagim na panahon ng Martial Law. Hindi ko napigilan ang sarili ko na kuhanin ang libro at basahin ang ilang pahina nito. Ngunit kapos ang aking oras at di ko dala ang pera ko. Pero nais kong makagawa ng isang bagay na ikakatuwa ko at ng pinsan ko at maaaring ikainis ng mga nagbabantay sa tindahan. Hindi ko siya nanakawin, pero ilalagay ko siya sa ibabaw ng mga YA – nang kahit papano, may makapansin at may makaalam. Sana di nila napansin agad at ibinalik sa Filipinana seksyon.
            Kahit sa liit at halos walang epekto ng ginawa ko, hindi ako natinag – dahil naisip kong idilat ang mga mata ko at gisingin ang diwa ko. Humiwalay ako sa pangkat na kinabibilangan ko at nagsimula ako ulit.
            Bigyan mo ako ng papel at bolpen at ililista ko lahat ng magagandang ugali ng mga Pilipino. Ngunit kung hihingan mo ako ng mga kasalungat nito, itataas ko ang kamay ko at ituturo kita, ituturo ko sila, at ituturo ko ang sarili ko. Dahil noong huwebes na iyon, kabilang tayo sa mga hindi gumawa ng paraan upang mailigtas ang kawawang libro sa gitna ng interseksyon.
Ngunit tapos na ang huwebes. Idilat mo ang mga mata mo at gisingin ang iyong diwa. Ngayon, pumiglas ka sa mga walang pakielam at magkaroon nito.

Magsimula ka ulit.

Comments

Popular Posts