Kaya Pala ni Joyce Gonzales

Kaya Pala
                             ni Joyce Gonzales                               

            Naranasan niyo na bang maglakad at makakita ng lalaking tinititigan ka na para bang kakilala mo siya?

            "Hi, idol!," sabi nila. Ni hindi ko nga siya kilala, bakit "idol" na niya ako? Tahimik akong naglalakad dito, bakit may naririnig pa akong ganyan?

            "Psst!," narinig ko na naman. Syempre, hindi ako haharap.

            Nakakalungkot. Nakakadismaya. Nakakahiya. Hindi lang 'to nangyari sakin ng iisang beses lang, lagi itong nangyayari. Bakit nga ba lagi itong nangyayari?

            Sabi ng iba, dahil sa suot ko daw, pero may mga panahong nakapantalon at t-shirt ako at nabastos pa rin ako. May mga panahong mukhang panglalaki ang suot ko, pero natawag pa din akong "idol".

            Hindi naman sinisisi ang damit dahil ang dapat na sisihin ay ang kawalan ng respeto ng ilang mga lalaki sa aming mga babae. Kahit anong gusto kong suotin, sa tingin ko naman ay walang isyu doon dahil ako naman ang nagsusuot. Gusto kong magsuot ng magandang damit upang maging kaaya-ayang tignan. Hindi ako nagdadamit ng maayos para sa mga lalaki, nagdadamit ako ng maayos para sa akin kaya naman hinding-hindi ko maiintindihan ang punto ng ibang kalalakihan na kasuotan ang dahilan kung bakit kami nababastos.

           
            Siguro isa din sa mga dahilan kung bakit laganap ang "catcalling" ay dahil sa tingin ng mga lalaki ay sila ang mas mataas kaysa sa ating mga babae. Sa tingin nila, sila ay hari. Sila ang masusunod. Sila ang mas malakas. Sila ay mas magaling. Pero hindi yun sapat na dahilan para mambastos ng babae sa daan. Hindi yun sapat na dahilan para manghipo at tumititig sa mga kababaihan. Tayo ay nasa ika-21 na siglo na, siguro naman dapat nating isipin na lahat tayo dito ay pantay-pantay. Marami nang napatunayan ang mga babae para maliitin pa.


            Sinasabi pa ng ibang kakalakihan na ang mga babae ay hindi marunong tumanggap ng papuri. Ang mga puri, hindi nakakainis pagsinasabi sayo. Pagnakarinig ka ng isang papuri, tila pumapalakpak ang tenga mo sa galak dahil may nagsabi sayo noon. Pero ang pambabastos, kukulo ang dugo mo dahil sa inis. Malaki ang pinagkaiba ng pagpuri sa pambabastos. At kung ako ang tatanungin, bakit mo naman sasabihan ang isang tao ng "sexy!" kung kahit kailan ay hindi mo naman siya nakilala?

           
            Respeto. Yun lang naman ang importante. Kahit anong suot, kahit anong mukha, kahit anong oras. Pag mayroon ka ng respeto, alam mo kaagad na hindi tamang mambastos ng isang babae. Isipin natin na tayo ay may mga nanay na babae din. Sila ay nagsilang, nag-aruga at nagsakripisyo para sa atin. Babae din sila.


            Sa lahat ba ng naisakripisyo nila para sa iyo at sa pamilya niyo, magagawa mo pa rin siyang maliitin?


            Naniniwala akong ang respeto ay para sa lahat. Walang pinipiling tao, edad o estado para dito.

            Oo, aaminin ko. Tuwing ako ay mababastos, sumasagot ako. Lumalaban ako. Nakikipagsagutan ako. Bakit? Kasi hindi ako mahina. Kayang-kaya kong ipaglaban ang sarili ko. Kaya kong tumayo sa sarili kong mga paa upang ipakita na hindi ako dapat minamaliit.


            Babae ako. Kaya ko. Malakas ako.

            Kaya siguro idol ako ni kuya....


Comments

Popular Posts