KAYUMANGGI O PUTI? ni Riza Lopez-Vito

KAYUMANGGI O PUTI?
ni Riza Lopez-Vito
            Araw-araw akong makakanuod ng mga patalastas sa telebisyon tungkol sa mga produktong pampaputi. Araw-araw akong makakakita ng mga post sa social media ng mga taong na-diskrimina dahil sa kanilang itsura at sa kulay ng kanilang balat. Saan nga ba nagsimula ang mentalidad na ganito ng mga Pilipino?
            Malinaw naman sa mga galaw at salita ng ibang mga Pilipino ang kanilang kabighanian sa mga puti na tinatawag na ‘Colonial Mentality’. Ito ay natanim na sa ating mga isip musmos pa lamang tayo na para bang ipinapamana sa atin ng mga naunang henerasyon.
            Ipokrita ako kung sasabihin kong hindi ko ginusto at sinubukong magmukhang puti. Bata pa lamang ay ipinatatak na sa aking walang muwang na isipan kung ano ang daw ang maganda.
            Matangos ang ilong.
            Maputi ang balat.
            Kaya bata pa lamang ako, tinuruan ako ng pagpisil sa aking ilong o kaya’y lagyan ito ng sipit. O kaya’y babawasan ang oras ng aking paglalaro sa labas para hindi umitim ang akong balat.
            Ngunit hindi lamang sa pisikal na itsura nangyayari ang diskriminasyon. Maraming tao ngayon, lalo na ang mga kabataan, na huhusgahan ka depende sa mga gamit na mayroon ka. Nagpabili pa ako noon ng isang mamahaling sapatos dahil lang sa kagustuhan kong humango sa mga puti.
            Subalit ang maling mentalidad na ito ay may mas malaking epekto sa ating sining. Piling mga kantang OPM nalang ang aking pinakikinggan. Ang mga pelikulang aking pinapanuod. Lahat ay tinatawag kong ‘jejemon’. At sa lengguwahe naman ay mahuhusgahan ka kung mag kamali ka man sa gramatikong ingles. Ano ang mali dito? Hindi naman ito ang ating sariling wika. Pangalawa lamang ito. At ang lakas makapanghusga ng mga taong miski ang wikang Filipino ay hindi nila alam.
            Anong nangyayari sa atin?
            Ano nalang ang sasabihin ng ating mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay para kalayaan natin mula sa mga mananakop?
            Magpapa-alipin ba na naman tayo sa kanila?

            Kayumanggi ka ba o puti? Dahil wala na nga sila pero tila nandito pa rin sila. 

Comments

Popular Posts