KINAIN NA NG SISTEMA ni Angelica Revilla
“KINAIN
NA NG SISTEMA”
ni
Angelica Marie S. Revilla
Aaminin ko, bilang isang estudyante ay hindi biro
ang mag-aral, lalo na kapag mahina ang pagpapabahala ng tao sa stress. Ang
mag-aral ay walang katapusan, walang pinipiling oras, walang pinipiling lugar,
at lalo ng wala itong pinipiling tao.
Bata pa lang ako ay tinuruan na ko ng aking magulang
na matutong kumilos ng mag-isa. Hindi nila ako sinanay na magpatulong sakanila
kapag ako ay may takdang aralin o proyekto kahit gaano pa man ako mahirapan.
Sinigurado nila na masanay na akong buhatin ang sarili ko lalo na’t nag iisang
anak lamang ako. Habang tumatanda ako ay lalo kong napahalagahan ang naturo
nila saaking pag uugaling iyon, dahil dun natuto akong maging responsable at
mapagkakatiwalaang estudyante. Kaya nang ako’y makapasok sa University of Santo
Tomas ay naging panatag ang loob ko na makakayanan ko ng tahakin ang malawak na
realidad ng buhay. Ngunit inakala ko lang pala iyon.
Madalas kong sabihin sa sarili ko dati nung ako’y
nasa Junior High School na hindi ako katulad ng ibang estudyante na walang
ibang ginawa kundi mag memorize lang ng mga aralin nang hindi naman lubusang
naiintindihan ang kanilang inaral. Mahirap man aminin ngunit sa tingin ko ay
onti-onti na akong nagbabago sa taong hindi ko nais maging.
Kung dati ay matapang kong tinatanggap
lahat ng mga gawain na naka takda saakin, ngayon ay onti-onti ko ng sinusukuan
ang sarili kong kakayahan. Kung dati ay lagi kong matiyagang nilalaan ang oras,
lakas, at talino sa lahat ng gawain ko ay ngayon natututo na kong bumigay sa
mga gawaing “pwede na” o kung tawagin ngayon ay “mema” na nangangahulugang may
maipasa lang.
Hindi ko alam kung ako ba ang
nagkukulang at masyado akong nagiging kampante sa sarili o sadyang kinain na
din ako ng sistema; sistema ng katamaran at pagkamababaw.


Comments
Post a Comment