Labin-dalawang oras na biyahe ni Don Owen Nilo
Labin-dalawang oras na
biyahe
ni Don
Owen Nilo
Ang pagiging Thomasian ay hindi biro
para sa katulad kong taga-probinsya. Naglakbay patungong Maynila para sa
oportunidad na magkaroon ng maganda at maayos na edukasyon. Akala ko noong ako
ay pumasa ay magiging madali na ang pagpapa-enroll sa Unibersidad ngunit ako ay
nagkamali sa pagaakalang mabilis matatapos ito. Pila palang sa enrolment ay
tila ahas na inikot-ikot at pilit pinagkakasya sa isang kahon. Ang sikat ng
araw ay hindi nagpatalo sa pagpapasikat ng kayang init. Pagkatapos ng mahigit
dalawang oras sa pila ay sa wakas nakapag-enrol nadin ako pero sa maiksing
kasiyahan ko na iyon ay agad itong napawi ng pagkadismaya at kalungkutan ng
malaman ko na hiwalay pala ang skedyul ng pagpapagawa ng student I.D at
pagpapasukat ng damit.
Labin-dalawang oras na byahe, na kung
saan di mo pa masisiguro kung makakasakay ka at makakarating sa tamang oras.
Perang ginagastos sa pamasahe ay pwede mo ng ipang-grocery para sa pamilya. Sa pagkagusto
kong makapag-aral sa USTE ay handa akong tumayo ng labin-dalawang oras para
lamang makarating ng Maynila. Mahirap at masakit sa bulsa, Kapalit ay ang mataas
na kalidad na edukasyon na aking ngayo’y pinagpupuyatan kapalit ng paglayo sa
aking pamilya. Mapapaisip ka nalang sa dami ng reklamo ng iyong mga kamag-aral na
mahirap daw ang byahe dahil sila ay kailangang umuwi ng Quezon o Cavite ay
napapayuko nalang ako, napapabulong sa aking sarili, paano naman ako? Walang
sembreak, buong taong nakatambay sa dorm at kung may long weekend, PETA naman
ang katapat kung kaya't di pa din ako makasakay ng bus pauwi dahil sa oras na
aking pinipilit habulin. Tanging ang Christmas break at Holy Week lamang ang
naging paraan para ako ay makauwi sa aking bayang kinalakihan, pumila ng
madaling araw para makapagpareserba ng mauupuan sa bus pauwi ng Isabela. Sa
pagsakay ng bus ay ako'y magmumuni-muni ng saglit at iniisip na ang mga maari
naming gawin sa aking pag-uwi. Maglalaro, magpapahinga, mamasyal at matulog sa
tamang oras. Pero sa haba ng byahe ay hindi mo din maisasantabi sa iyong isipan
ang iyong kaligtasan. Kapag dumilim na ay di maitatanggi ang kaba na aking
nadadama kapag may nakikitang bus na nalaglag sa bangin, mga kotseng
nagbungguan sanhi ng kanilang pagod sa byahe.
Pagdating ng bahay ay di na kailangan
magpahinga dahil kailangang sulitin ang bawat minuto kasama ang aking pamilya,
kakain sa labas, magkwekwento ng mga balitang aking di na nasusubaybayan. At
kapag malapit na ang nakatakdang araw para sa pagbalik sa Maynila, ay
napakahirap mapalayo sa yakap ng iyong mga magulang ,sa bawat halik nila sa
iyong noo, at sa bawat tawanan ng aming pamilya ay tila ayaw mo ng mawalay muli
sa kanila. Sa aming lugar ay ang pagpapareserba ng bus ay dapat sa mismong araw
ng iyong byahe, kung kaya't kailangang mong gumising ng alas-tres ng madaling
araw para makapila na, ngunit kahit pumila ka ay hindi mo pa din masisiguro na
ikaw ay makakasakay dahil sa ibat-ibang uri ng pangungurakot ng iba. Mahal na
araw nang ay kami ay na-istranded sa kakahintay sa istasyon ng bus, ang aking
ama at kapatid ay naghihintay sa istasyon ng bus ng madaling araw habang kami
ng aking ina ay nagaabang sa highway at nagbabakasali maging "chance
passenger". Umabot kami ng 3 araw kakahintay mula Sabado Gloria hanggang
lunes ng gabi ay napilitan akong lumiban ng isang araw sa klase dahil sa walang
bus na masasakyan. Tunay ngang napakahirap sumakay pero mas mahirap ang mapaliban
sa klase lalo na at hindi makatwirang rason ito. Martes ng gabi ay sa wakas kami'y
nakasakay na dala ang mga gamit ko pang eskwela, pati din ang takot na kami'y
maaksidente dahil sa aksidente sa Caranglan. Ilang oras na pagitan lamang ng
naibalita ang aksidente nung nakasakay kami ng bus. Habang nasa Bus ay
kailangan gumawa ng PETA na di natapos dahil sa aking pagkakaliban sa klase.
Walang tulog dahil sa takot at dahil na
din sa mas madalas pa ang pagbibigay ng mga PETA kaysa sa pag-ulan sa Maynila.
Oo nakarating kami ng Maynila ng
ala-sais ng umaga, deretso ng dormitory, naligo at nagpalit at di na kumain
para lamang di na makaliban ng klase. Walang tulog man pero kakayanin kung ang
kapalit ay kaalaman na magagamit ko sa aking kinabukasan at ng hindi na
kailangang maghirap ng magiging pamilya ko para sa kanilang kinabukasan.


Comments
Post a Comment