Linguisism ni Marco Galang

Linguisism
ni Marco Galang

            Lahat ng tao na kilala ako ay alam na mahilig ako magsalita sa wikang Ingles. Alam nila na mas kumportable ako dito, ngunit hindi ibig sabihin na hindi na ako marunong magsalita sa wikang Filipino. Sadyang mas kumportable lang ako sa wikang Ingles. Iyon ay sa kadahilanang ako ay pinalaki ng aking mga magulang sa wikang Ingles. Noong ako ay bata pa, nakasanayan ko na ang pagsasalita ng Ingles. Ang akala nga ng mga taong nakakasalamuha ko, ako ay lumaki sa ibang bansa. Natutuo na lamang ako mag Tagalog dahil sa aking kapaligiran at dahil sa mga taong nakapaligid sa akin
            Akala ng maraming Pilipino na kapag ikaw ay nagsasalita ng Ingles, naka-aangat ka. Akala ng marami kapag ikaw ay nagsasalita ng ingles ay napakatalino mo na. Akala nila kaka-iba ka. Tandaan, maraming namamatay sa maling akala.
             Batay sa aking karanasan, iyon ay mali. Madalas ako noon ay napagtatawanan ng mga kaklase ko. Madalas ako ay natutukso rin.  "Weirdo", "Englishero", at marami pang iba. At madalas hirap akong intindihan ang mga aralin ko sa Filipino dahil sa mga mabibigat at malalalim na salintang Pilipino.
            Marami sa mga kakilala ko ang nahihiyang magsalita ng wikang banyaga dahil nahihiya silang magkamali at mapagtawanan. Kaya mas mainan na lamang para sa kanila ang magsalita sa tagalog  dahil kapag ikaw ay nagkamali sa tagalog ay wala naman pakialam ang mga tao. Akala nang mga Pilipino na mas mababa ang mga nag Tatagalog. Ngunit ang totoo magkamali ka man sa anong paraan, pagtatawanan ka parin. Kasi marami sa atin ang sadyang mapanghusga.
            Minsan natutukso ako porket "slang" ang pananalita ko. Ngunit mas lalo naman akong napagtatawanan kapag nagkamali ako sa  Tagalog. Pero marami rin naman ang nabibilib at humahanga sa pananalita ko. Marami-rami rin naman ang naiinggit ng kaunti sa akin dahil sa taglay kong “accent”.
            Alam kong "minor" na problema lang ito sa kabuoan, at sa tingin ng mga tao ay madali lang itong solusyunan. Ngunit hindi ibig sabihin non ay hindi ako nasasaktan sa tuwing kinukutya ako. Marami rin na tulad sa akin ay nakaranas na nito, tulad na ng aking kaibigan at kaklase na si Zedric Bisenio.
            Sana lang minsan hindi tayo umiikot sa mapanghusgang mga tao. Na sana lang hindi nila binabasa ang katauhan ng isang tao sa paraan ng pananalita nito. Na sana lang mas maging malawak pa ang kaisipan ng iba.
            Ako, habang pinag-aaralan ko ang mga malalalim na salitang tagalog, patuloy akong magsasalita sa pamamaraan na kumportable ako. Sa pamamaraan na mas maipapakita ko ang aking damdamin. Sa pamamaraan na maipapakilala ko ng husto ang aking sarili.

            Ako man ay nagsasalita ng Ingles, hindi ibig sabihin nito na hindi ko ipinagmamalaki na ako ay isang Pilipino.

Comments

Popular Posts