Matamis na alon ng Boracay ni Christine Gueco
Matamis na alon ng Boracay
ni: Christine Gueco
Usong uso sa lola ko ang Throwback Thursday at
Flashback Friday. Aasahan na naming magkakapatid at magpipinsan na hahanapin
niya ang kahon na puno ng mga naka imprentang litrato ng mga aming naging
paglalakbay. Sa bawat outing at kainan sa labas ay siguradong hindi mawawala
ang camera. At matapos ang piktyuran ay ipapaprint ito ng aking lola. Ang lola
ko na parang bagets sa kanyang mga ginagawa.
Thursday. Karaniwang
araw ngunit para sa lola ko ay ito ang araw para sa pagbabalik tanaw ng mga
magagandang alaala. Sumapit na naman ang araw ng Huwebes. Tinawag niya ako,
"Apo!" sabay pinaupo sa kanyang tabi. "Ano po yun nay?"
Halika rito, tignan natin ang mga litrato ng ating mga napuntahan ng lugar. Ang
unang larawan na ipinakita sa akin ng aking lola ay ang paglalakbay namin sa
Boracay noong taong 2012. Kitang kita sa aming mukha lalo na sa akin sapagkat
ito ang unang beses ko na sumakay sa eroplano. Naaalala ko pa noon, takot na
takot ako sumakay at naiiyak pa. Subalit nakampante naman ang aking kalooban
noong lumipad na ang eroplano. Pagdating sa Boracay ay winika ko agad sa aking
mga pinsan ay "Napakaganda ng lugar na 'to. Malinis, puti ang buhangin at
maganda ang kulay ng dagat." Doon ako unang namangha sa lugar. Sapagkat
ang dating nito ay mala paraiso na bihira ko lamang makita kapag ako ay nasa
Bulacan. Hindi ako mapakali, tuwang tuwa at gusto ko agad libutin ang Boracay.
Sinamahan ako ng pinsan ko at kami ay umikot ikot sandali sa aming tinutuluyang
lugar. Hindi ko alam na ang lola ko pala ay kinukuhanan kami ng litrato kay
dali dali kong sinabi sa kanya, "Nay panay kuha ka ng kuha dyan.
Magpahinga ka muna." Matapos kong sabihin iyon ay sinamahan ko rin muna
magpahinga ang lola ko pati na ang aking mga pinsan. Umidlip kaming lahat upang
mayroong lakas mamaya.
Pagkagising ay agad
agad dinako ang mga paa sa dalampasigan. Sa pagtama ng alon sa aking mga paa ay
natuwa ako dahil ito ay banayad, katamtaman ang lamig at pala kaibigan. Ako ay
nagmasid masid sa aking kapaligiran at doon ko nakita na mayroon kapayapaan,
nagkakaisa ang lahat at nagtutulungan. Ay! Naalala ko na Huwebes nga pala
ngayon. Nagmistulang pagbabalik tanaw na lamang ito. Wala na ang payapa,
malinis at magandang Boracay. Ganon din naman sa ngayon. Wala na ang
kapayapaan. Hindi na kakakitaan ng pagkakaisa ang mga tao. Magulo at madumi ang
kapaligiran. Para bang walang kapahingahan sa araw-araw. Nasaan na nga ba ang
mala-paraisong tanawin noon? Iyan na lang ang naitanong ko sa aking lola.
Nagulat ako sapagkat
ang sinagot pabalik sa akin ng aking lola ay, "Hinayaan kasi natin na
siraan ang ating sariling kabataan." Napaisip ako at napatanong sa aking
sarili. "Ano ang ibig sabihin nun?" Lumipas ang mga araw at hindi ko
pa rin maintindihan ang ibig sabihin ng mga salitang iyon. Hanggang isang araw
ay nakita ko ang mga nagkukumpulang estudyante na nag-aaway, nagsasabunutan at
tila may pustahan pa kung sino ang mananalo. Natunghayan ko rin na grabe
magtapon kung saan saan ang mga tao. Nakakalungkot isipin ngunit ito ata ang
ibig sabihin ng aking lola. Ako ang gumagawa ng aking sariling kapalaran, ako
ang responsable sa ano mang kalalabasan nito. Naging huli na ang lahat sapagkat
nasira ko na ang aking kabataan. Huling huli na ang lahat para sa akin. Ngunit
para sa inyong mga mababasa ay hindi pa. Maari pang baguhin ang inyong
kapalaran.


Comments
Post a Comment