Nanlaban ni Jerica Buñales

Nanlaban
ni Jerica Buñales

Minsan iniisip ko, alam kaya ng baboy na kumakain siya ng kapwa niya baboy? May utak naman siya, kinakain nga ng tao eh. Siguro alam niya, kaso gutom lang siya kaya di na siya mag-iisip kung ano yung kinakain niya. Pero pwede din namang hindi.
Naisip ko lang, para din tayong mga baboy. Ang ilan sa atin ay mulat sa kung ano ang kinakaharap ng ating lipunan sa panahon ngayon, pero pinili nating ipagsawalang bahala at isipin nalang ang ating sariling buhay at sariling problema. Hangga't hindi nangyayari sa atin o sa kakilala natin, wala tayong pakialam. Makikibalita lang, pero hindi makikiramdam.
Tulad nalang sa EJK o Extrajudicial Killings na nangyayari rito sa ating bansa. Sa paglipas ng panahon, sa pagdami ng mga balita o pangyayari na ating nakikita, kahit isa nakaramdam ba tayo ng awa o makisimpatya man lang para sa biktima?
            Ang extrajudicial killing ay ang pagpatay na may kaugnayan sa pulitika ng isang tao o government authorities nang walang kaukulang  judicial proceedings o legal na proseso. Simula sa pag-upo sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng kanyang kampya laban sa droga, mahigit kumulang 7,000 katao na ang naitalang napatay ng pulisya at ng mga di kilalang bidyilante. 1,523  na “drug suspects” o “drug personalities” na ang napatay sa operasyon ng pulisya mula pa lamang Hulyo 1 hanggang Oktubre 7—wala pa sa 100 na araw na pinangako ng Pangulong Duterte sa pagsugpo sa droga. “Nanlaban”— ayan ang sinasabi ng pulis tuwing makakapatay sila. Sino nga ba ang may karapatan kumitil ng buhay ng isang tao?
Ayon sa artikulong pinamagatang KILL LIST na ginawa ng Inquirer.Net, karamihan ay napatay ng di kilalang suspek at ang iba ay mula sa buy bust operation. Ang pinakabata ay ang 4 month old na baby mula sa Cebu na napatay ng mga sumuko na drug users na hinihinalang patuloy pa rin gumagamit ng droga. At dahil narin umano sa War on Drugs, dumadami pa ang bilang ng mga namamatay dahil sa kagustuhang pagtakpan ang kasalanan ng mga kinauukulan o ng may kapangyarihan upang hindi sila ikanta sa kamay ng batas. Ilan din sa mga nahuli ay mga pulisya na di umano ay humahawak sa mga bigtime druglords.

            Dahil sa malawakang pagpatay ng administrasyon ng ating kasalukuyang Pangulo, muling nabuhay ang lukso ng aktibismo sa mga ilang paaralan at maging sa mga ‘Youth Group’ na nanawagan sa pagtigil nang patayan. Ngunit madami pa rin ang sumusuporta sa EJK dahil sinasabi nila na ito ay maganda para sa ating seguridad. Masasanay nalang ba tayo at makukuntento sa inihahain sa atin ng gobyerno? Tinatanong ko na lang ang aking sarili, kung meron ba talagang pinagkaiba ang baboy at tao. 

Comments

Popular Posts