Pamilya ni Kym Magtanong
Pamilya
ni Kym Magtanong
Pamilya.
Ito ay lipon ng dalawa o higit pa sa dalawang tao na magkaugnay sa dugo, sa
bisa ng sakramento ng kasal o sa pamamagitan ng pag-aampon o paninirahan sa
isang tirahan ayon sa diksyonaryo. Ito ay isang pangngalan na napakasimple
ngunit napakarami ring kahulugan. Isang salita na hindi lamang binubuo ng mga
letra, kundi pati ng pagmamahal na umiikot sa mga kasapi nito.
Noong ako
ay walong taon gulang at nasa elementarya pa lamang, ganito ang takbo ng araw
ko – bangon, ligo, kain, pasok, uwi, kain, tulog. Sa tuwing panahon na upang
kumain, ako ay karaniwang nasa tabi ng aking ina sa hapag kainan. "Kumain
ka ng gulay," Ito ang kadalasang sambit ng ama ko sa akin noong ako ay
walong taong gulang pa lamang.
Noong ako
ay labing tatlong taon, ako ay tumungtong sa mataas na paaralan. Sa mga
panahong ito, pakiramdam ko ay isa na akong ganap na dalaga dahil sa mga pagbabagong
kinaya kong harapin. Pareho pa rin ang takbo ng araw ko hanggang ako ay maging
"teen", kung tawagin nga nila. Ang kaibahan, hindi na aking ina ang
aking katabi sa hapagkainan. Kapatid ko na ang katabi ko at mayroong dalawang
bakanteng lugar sa aming lamesa. Bago kami magsimulang kumain, isang tunog ang
aking laging naririnig. "Kumain na kayo at kami ay gagabihin," text
ng aking ina. Ito ang text na madalas kong matanggap noong ako ay labong
tatlong gulang pa lamang..
Noong ako
ay labing limang taon, ako ay nasa huling taon na ng mataas na paaralan. Buong
puso akong nagdesisyon na umalis sa aking kinalakhan upang ilipad ang aking mga
pakpak patungo Maynila. Bilang isang graduating student, wala nang mas sasarap
pa sa pagkakaroon ng oportunidad na makalayo at magkaroon ng sariling kalayaan.
Hindi ba't tama lamang na umalis na rin ako, tulad ng aking mga kapatid na nasa
Maynila at may mga pamilya na? O di kaya ang aking mga magulang na umuuwi na
lamang tuwing Sabado at Linggo? Sa mga panahong ito, nasanay na akong kumain
mag-isa sa hapag kainan. Kung hindi mag-isa ay kasama ko ang aming kasambahay
na itinuturing ko na ring ina. Sa ganitong edad, normal na ang laging may hawak
na cellphone. Normal na rin sa aking labing limang taon na sarili ang makatanggap
ng text na nagsasabing, "kumain na ba kayo?"
Ako ay
isang malayang labing pitong gulang na. Ako ay kasalukuyang nagaaral sa
Unibersidad ng Santo Tomas bilang isang senior high school student. Ako ay nakatira sa isang dorm na sa
una ay tila napakakulay bagaman puti lamang ang pintura ng mga dingding nito.
Ang dating punong puno ng pangarap ay nagmistulang kumbento – isang lugar kung
saan wala ang iyong mga pamilya at nakasanayan. Nagbago na rin ang takbo ng
aking araw mula sa oras ng aking pagmulat hanggang sa pagpikit ng aking mga
mata. Isang araw, hindi lamang mata ko ang aking naimulat kung hindi pati ang
aking sarili. Lahat ng poot at galit para sa aking pamilya na noon ay sabay
sabay na kumakain sa ilalim ng iisang
bubong ay balewala lamang. Lahat ng panahon na tiniis ko ang pag-uwi sa
probinsya dahil sa tampo ay napunta sa wala. Dahil gaano man kahaba ang araw,
uuwi ka pa rin sa mahal mo – sa pamilya mo. Ngayon, hindi lamang pagtatapos ng
klase ang aking ikinatutuwa sa tuwing tatapat ang kamay ng relo sa alas kwatro,
kung hindi pati ang panahon na ako ay makakatawag sa aking mga magulang at
magsasabing, "Pauwi na po ako."


Comments
Post a Comment