Piano Keys ni Madine Montecastro
Piano
Keys
ni Madine Montecastro
Bakit
nga ba tayo nalulungkot? Bakit tayo nagkakaproblema? Sa dinami-raming eksena sa
buhay, bakit may mga pagkakataong parang tayo ay minamalas?—Ito ay kadalasa’y iniisip ko noong ako
ay bata pa lamang. Lumaking palangiti at magiliw ng chikiting, nakapagtataka
para sa isang katulad ko ang mga ganitong eksena sa mundo.
Sa edad na labimpitong taong gulang, ang
masayahing bata ay naging dalagang puno ng tensiyon. Natutunan kong ikimkim
lahat ng galit at pagod; nang umapaw ito sa aking loob-looban, ako’y tuluyang
dumepende sa sarili. Pano ba naman kasi, ang mundo ay puno ng kahirapan, korupsyon, kamalian sa sistemang
pang-edukasyon, pagkalito sa kulturang pagkakakilanlan, at kung anu-ano pang
bumabalibag sa ating mundo. Iba ang pakiramdam kapag lahat ng bagay ay lumalaban
sa iyo.
Samantala, lumaki akong malapit at
mapagmahal sa musika. Ako’y ipinasok ng aking magulang sa paaralang
pang-musika. Natuto akong tumugtog ng piano, at kumanta nang maayos. Isang
mahalaga at malalim na aral na aking natutunan at laging isinasapuso ay hindi
lahat ng pagkakataon ay pinipindot natin ang mga puting piano keys; kailangan din ng mga itim (sharps at flats) upang maibunyag
ang tunay na kagandahan at kakayahan ng
musika.
Lahat tayo ay nais maging masaya habang
buhay. Ngunit, hindi sa lahat ng pagkakataon ay nangingibabaw ito. Kailangan
din natin ng mga malulungkot na karanasan dahil ito ang magsisilbing mga aral
natin sa buhay. Ito ang bumubuo sa atin para tayo ay maging mas matatag, kaya
nating lampasan ang iba’t ibang hamon sa buhay. Kaugnay naman sa piano, ang mga
itim at puting keys ay parehong kailangan
sa musika. Bagamat ang tunog ng mga itim ay hindi kumpleto, kapag pinagsamahan
mo ng mga buong nota (ang mga puti), maaaring makalas ang kapangyarihan at
kahusayan sa musika.
Itong aral ang lagi kong isinasapuso.
Naniniwala akong makakatulong ito sa lahat ng pagkakataon. Anumang hirap ang
ipinagdadaanan, tandaan at pahalagahan din natin ang mga mabubuting
pagkakataon. Kapag kaya nating panatilihin ang pag-iisip na ganito, makabubuo
tayo ng makabagong “tayo”, at ito ang magdadala sa atin sa ating mga pangarap.


Comments
Post a Comment