Rollercoaster ni Leila Rufino

Rollercoaster
ni Leila Rufino


6:08am.

Araw-araw. Ididilat ang mga mata, gigising, at tatayo sa oras na ito. Itatali ang buhok gamit ang pulang pamusod, at pupunta sa banyo upang maghilamos at magsepilyo. Magbibihis at isusuot ang asul na palda at ang dilaw na polong makati. Mananalamin, aayusin ang kilay, at ipapahid sa labi ang matingkad na liptint.

Ngingiti, magsusuklay ng buhok, isusuot ang sapatos, at bababa mula sa ika-11 na palapag tungo sa isang araw nanaman na iikot, uulit, lilipas at matatapos — tulad ng lahat ng araw bago roon.

Hindi na bago ang amoy ng pandesal, ang tunog ng takong, at ang siksikang elebeytor. Hindi na bago ang maka-lullabye na boses ng guro, ang kalampag ng mga libro’t kwaderno, at ang mga dilaw na upuang laging magulo. Hindi na bago ang pagmamadali tuwing alas-kwatro, ang pagbaba sa tila hindi natatapos na hagdan, at ang tunog ng mga sasakyan sa kalye sa lakad pauwi.

Araw-araw, ganito. Paulit-ulit.

Ngunit minsay sineswerte.

Minsa’y tila may sisira ng siklo at panandaliang mag-iiba sa nakasanayan. Minsan, kung papalarin, mayroong darating — maliit man o malaki — na magmimistulang sariwang hangin na sasagip mula sa unti-unting paglunod na dala ng bawat lumilipas na araw.

Sa kalagayang ito, ang “minsan” na ay isang batang lalaki, madungis at marumi, naglalakad sa kalye ng Padre Noval habang hawak ang basket na puno ng tsitsirya, at dala ang ngiti na mistulang ‘di nabububura.

Alas-syete ng gabi. Lumalakad sa kalyeng kabisadong-kabisado na. Araw-araw, tinatahak ang iisang direksyon. Labas, kaliwa, kanan, deretso, kaliwa. Masyadong pamilyar.

            Umupo sa isang kainan, sa tapat ng nagtitinda ng shake sa bandang Padre Noval. Binili ang laging binibili. Mango graham po, less sugar. Um-order ng karaniwang inoorder, katabi ang kaibigang kasama araw-araw na tila parte na rin ng di matapos na siklo. Umupo. Kumain.

            Ngunit — di tulad ng karaniwang mga araw — hindi ito dito natapos.
            Lumapit ang batang lalaki. Unang tingin pa lang ay mapapansin na ang bakas ng hirap ng buhay sa kanyang itsura. Sira-sira ang damit, at halos hindi na magamit ang tsinelas. Siya’y nag-alok ng kanyang paninda ngunit siya’y tinanggihan. Pero hindi siya lumisan.

            Siyay umupo at nanatili. Nung una’y ako’y nawirdohan, ngunit kalauna’y nakausap ko na ang bata. Unang tinanong ko ay kung nag-aaral pa siya. Siya’y um-oo. Grade 7 ako, dun sa may Tondo, sabi niya. Niloko ko siya at tinanong ko kung siya’y may girlfriend na. Oo naman, te. Sa gwapo kong to?, biro niya. Napag-usapan namin ang kanyang buhay sa eskwelahan. Binanggit niyang siya’y parte ng top 10 sa kanilang klase at siya’y nagkwento tungkol sa kanyang mga kaibigan sa kanilang paaralan.

            Hindi ko maikakailang ako’y natuwa sa kanya. Ang ngiti niya’y nakahahawa at ang kanyang masayang pananaw sa buhay ay nakamamangha. Marami akong kakilalang natatamasa ang mga bagay na pinapangarap lamang ng batang ito — ngunit, kahit kaunti, ay hindi nalalapit ang kaligayahan nila sa tunay na kaligayahang taglay niya.

Sa gitna ng aming pag-uusap ay nalaman kong siya’y trese pa lamang. Ang bata mo pa, ah? Bakit hinahayaan ka ng mga magulang mo na magtrabaho?. Tila nawala ang ngiti sa kanyang mga labi.“Ganun po talaga, eh.”, kanyang sinabi. “Kailangan po kasi. Panganay ako at hindi sapat yung kinikita ng tatay ko. Tricycle driver kasi siya, tapos, labandera lang ang nanay ko. Minsan kinakapos kami.”

            Hindi bago sa akin ang mga storyang tulad ng ganito. Ako’y sanay na  — sa telebisyon, sa balita, sa mga dyaryo —  sandamakmak ang kwento ukol sa kahirapan. Ngunit ang marinig ito, harap-harapan, mula sa isang batang napilitang bitiwan ang pagkabata at harapin ang masakit na realidad ng buhay?  Iba.

Masakit.

Makirot.

            Imbis na siyay walang iniintindi kundi ang kanyang homework sa pagtapos ng isang araw, o naglalaro kasama ng ibang mga bata sa kanilang lugar, nandito siya sa kalye: mag-isa, sira-sira ang damit, at ‘di pa kumakain. Hindi makauwi dahil kailangang ubusin ang tinda. Kailangang kumayod.

            Patuloy siyang nagkwento tungkol sa kanyang buhay. Lumipas ang ilang minuto at nagulat ako ng mayroong dalawang bata — mas bata pa sakanya — ang lumapit sa aming mesa at niyakap siya. Tulad niya, ang dalawang batang ito ay may bitbit ring mga basket ng tsitsirya at sira-sira rin ang mga damit.

            Kuya, nandito ka lang pala! Nagugutom na kami. Hindi pa ba tayo pwedeng umuwi?

            Ngumiti ang batang lalaki at nagpaalam sa akin. Sinabi niyang ang mga batang ito raw ay ang kanyang dalawang nakababatang kapatid. At kailangan na raw nilang bumalik sa pagtitinda.

            Tila dumoble ang kirot na naramdaman ko. Hindi dapat nararanasan ng mga batang ito ang ganitong hirap sa kanilang edad. Gustong-gusto ko silang tulungan — i-ahon sa sakit at hirap na nararanasan nila. Ngunit sa huli, mahirap man aminin, ay isa rin akong musmos. Gustuhin ko man, wala akong magagawa na tuluyang babago sa kanilang mga buhay. Iyan ang masakit na realidad.

            Kaya ginawa ko na lang ang kaya kong gawin.

            Uy, saglit lang!

            Tinuro ko ang basket na kaniyang dala at ngumiti.

            Pabili ako isang Rollercoaster.

Sabay abot ng isang daan. Ako’y lumisan bago pa man maibalik ang sukli.


Comments

Popular Posts