Salipawpaw ni John Andrew S. Guevarra

Salipawpaw
Ni: John Andrew S. Guevarra

Tipikal na umaga, iminulat ang aking mga mata, gumulong-gulong sa kama, naghilamos, nagsipilyo, naligo, at nagalmusal. Hindi batid na ang araw na iyon ay ang huling araw na muli kaming magiging isang buong pamilya.
Sampung araw lang naman sila namalagi rito. Sampung araw na hinding-hindi ko malilimot.
Noong una ay nagkakahiyaan pa kami sapagkat ilang taon din ang lumipas na panay video call at chat lamang ang nagsilbi naming komunikasyon. Nang araw na iyon walang sinuman sa amin ang hindi nakangiti. Walang sinuman ang nais manahimik. Walang humpay na kwentuhan, halakhakan, at pagbanggit ng katagang “I miss you”. Hanggang sa dumilim na ang buong kapaligiran na kahit dalawin na ng antok ay walang nais pumikit at umalis sa isang silid kung saan lahat kami ay naroroon. At isang araw ang natapos.
Sa pagsikat na muli ng araw ay isang panibagong dahilan upang ako ay muling ngumiti. Tanda ko pa ang araw na kinakailangan kong pumasok dahil sa dami ng kailangang ipasa noong araw na iyon. Ngunit di ko nakubli na sa kabila ng mga gurong buong pusong nagtuturo upang busugin ang kumakalam naming isipan ay ibang bagay ang umiikot sa aking kalooban. Ang umuwi upang muli ko silang masilayan.
At may sumunod pang araw.
Ang araw matapos ang isang pang araw.
At isa pang araw.
At isa pa.
At isa pa.
At isa pa.
At isa pa.
Nang sa di namamalayang pagkakataon, ang magandang panaginip ay napipinto na palang magtapos.
Noong umagang iyon ay di pa sumasagi sa aking isipan na ilang oras na lamang at kinakailangan na muli nilang lumisan at tahakin ang ilang milya paglalakbay, tawirin ang ilang karagatan, at muling magbanat ng buto para sa aming kinabukasan.
Sa isipan ko tuloy ay di mawaglit na kinakailangan nila muling umalis, kung mayroon lamang maayos na kabuhayan sa bansa nating tinuturing na tahanan; di na sana kinakailangan na muli pang mamaalam ng marami nating minamahal sa buhay.
At nagising muli sa katotohanan, Apo.. pakilagay nga ng bag kong ito sa upuan sa harap ng kotse.  Dali-daling akong sumunod at ginawa ang bagay na iniutos sa akin.
Isinara ang mga pinto ng bawat kwarto, itinapon ang lahat ng basura, hinugot ang lahat ng nakasaksak, ikinandado ang pinto ng bahay na nagsilbing bakasyunan sa loob ng sampung araw, sabay sumulyap sa labas at sinubukang ibalik ang mga gabing walang humpay ang tawanan, walang tigil ang harutan, walang tigil ang pagpaparamdam ng pagmamahalan maging ano man ang paraan.             
Busina. Apo, baka mahuli kami. Kakain pa tayo sa Jollibee.
Ako ay sumakay at nagsimula na kaming magtungo. At sa huling pagkakataong mag aalmusal ng buo napakaraming bagay ang tumatakbo sa aking isipan na kahit isang salita ay wala akong mabitawan. Tanging nangingilid na luha at pusong nanaghoy sa labis na kalungkutan ang maaaninag ng sinumang susulyap sa akin.
Habang nasa pila ay bigla kong narinig na mula sa tinig ng aking pinakamamahal na lola na “we’re  leaving on a ....".
Ang luhang pinakapipigil ay di na kaya pang saluhin na kusa itong bumagsak ng hindi inaasahan.
Kumain, nagusap-usap sila, ngunit di ko pa rin nagawang magsambit ng kahit isang salita.
At sa daan patungo sa paliparan isang tula ang aking pinabasa kay lolo’t lola at isang liham ang para kay kuya. Sa pagkakataong ito higit pa sa pisikal na sakit na maaaring kong madama ang aking naranasan.
Tunay nga ang winika ni Mother Teresa na “If you love till it hurts, there will no more hurt only more love”.
Bumaba, kinuha ang mga maleta at kahon, at namaalam.
Halik at yakap kay lola.
Halik at yakap kay lolo.
Halik at yakap kay kuya.
At muli akong sumakay sa kotse. Muling bumalik sa lola at muling namaaalam. Si lolo ay nagbakasakaling bumalik upang mamaalam ngunit kinakailangan niya nang pumasok sa entrance kung kaya’t kumaway nalamang siya. Si kuya’y di bumalik ngunit nagtext ng “I’m sad ”.
Ako naman ay  patuloy na nakatanaw sa bintana nagbabakasali na sila ay lalabas at muli ko silang mahahagkan. Ngunit mailap ang pagkakataon, ang aking inaasahan ay di naging parte ng realidad na ginagalawan ko ng mga oras na iyon.

Sa ilalim ng buwan ay patuloy paring nangangarap na tila batang paslit na ang mumunting panaginip ay muling magbabalik. 

Comments

Popular Posts