Tatak ni Claire Rowan

Tatak
ni Claire Rowan


Simula noong paglipat namin ng bahay sa puder ng tatay ko, ito na ang itinatak ng aking mga magulang sa kokote ko. Hindi man nila sabihin ito ng diretso, alam ko. At ito'y nakalakihan ko at naging mindset ko hanggang ngayon. Sinubukan kong tanggalin ito sa sistema ko, pero tila parang chewing gum ito na dumikit sa ilalim ng sapatos ko. Ang hirap nang tanggalin.

Lumalabas lamang ako ng bahay kapag papasok, lalabas kasama ang pamilya, o magsisimba. Dumaan ang pagkabata kong ako'y hindi binibigyan ng permiso para lumabas kahit sa pagbili sa tindahan. Tindahan na literal na katabi lang ng bahay namin. Bilang ko sa aking kamay at paa kung ilang beses ako bumili ng mag-isa sa tindahan. Siyempre, kinuwestiyon ko ito noong bata ako, pero dahil mahigpit ang aking mga magulang, natuto nalang akong tumahimik at sumunod sa kanila.

Dumating ang araw na naramdaman ko na hindi normal ang childhood ko. Pakiramdam ko na parang ako si Rapunzel dahil lagi akong nakakulong sa bahay. Wala akong kalaro at wala akong kilala sa mga kapitbahay namin. Sa dinami-dami ng pag-aaway na nagaganap sa tapat ng bahay namin, puro pangalan lang ang pumasok sa utak ko at hindi ang mga mukha nila dahil wala nga akong tiyansang makilala sila ng harapan. Ginusto ko ng kalaro, mga batang makakasalamuha ko sa kasiyahan ng aking pagkabata, pero pinagbawalan akong makipagusap sa mga bata sa labas. Naaalala ko pa na tinanong ko kung bakit ayaw nila ako payagan, at sa unang pagkakataon, hindi sila tumigil para mag-isip o piniling iwasan ang tanong at hindi na lamang ito sagutin. Masasamang salita ang lumabas sa kanilang bibig, lalo na sa aking nanay. Puro panlalait at komentong hindi magaganda ang pumasok muli sa utak ko na nagdulot ng gulo sa aking batang isipan.

Gusto kong sumagot, sabihin na mali ang paratang nila sa mga kapitbahay at sa mga batang gusto kong makalaro kahit hindi ko kilala ni isa sa kanila. Iyon ang ginusto kong gawin, dahil ako'y naive. Pero hindi ko nagawa ang kahit ano sa mga gusto ko. Hindi nalang ako sumagot. At sa pangalawang pagkakataon, nanahimik nalang ako at sumunod. Dahil pinoprotektahan lamang nila ako ng aking mga magulang.

Dumaan ang maraming taon na nanahimik lang ako at sumunod. Ginawa ko ang dapat kong gawin bilang isang anak. Nag-aral ako, naging mabuting anak, at higit sa lahat, hindi ko sila sinuway. Natutunan ko na din kalimutan ang pagkabata ko. Ako yung taong lumaki na hindi dumaan sa pagkabata, napalitan akong maging mature mag-isip ng 'di oras. Hindi ako malikot, maingay, at pabigat nung bata ako hanggang ngayon. Ako pa nga'y nagagalit sa mga kapwa ko bata kapag sila'y maingay. Ang mga kaibigan ko lang ay yung mga nasa eskwelahan ko. At nakakahiya man banggitin, natuto lang ako maglaro ng mga laro ng lahi sa eskwelahan. Piko, chinese garter, luksong baka at tinik, tumbang preso, at iba pa. Lahat ng 'yan ay itinuro sakin ng mga kaklase ko dahil sa eskwelahan lang din ako nagkakaroon ng pagkakataong laruin ang mga larong ito.


Kaya ngayon, maraming kaklase ang tumuturin sakin na nanay kahit na ang iba'y mas matanda pa sakin dahil sa kaibahan ng aking pag-iisip. Bagama't ito'y may magandang dulot, nakalulungkot isipin na hindi ko natikman o naranasan kung paano maging tipikal na bata. Pero hindi ko naman masisisi ang magulang ko. Dahil hindi naman talaga kaaya-ayang makipaghalubilo sa mga taong mas mababa ang lebel sa akin. Hindi magandang tignan kung mayroon makakakita sa akin na sumasama sa mga batang walang direksiyon sa buhay, dahil mapapariwara lang ako katulad nila at ng kanilang pamilya.

Comments

Popular Posts