Tullahan ni Jed Brian Tamboon
Tullahan
ni Jed Brian Tamboon
Masaya akong humihigop noon ng Milo at kumakain ng
Pandesal na may palamang natutunaw na Dairy Creme habang tinititigan ang
bintang napapatakan ng ulan. Inaawitan naman ako ni Rico J. Puno mula sa radyo,
kung ano ang kinakanta niya, hindi ko na alam. Ang malamig na boses niya’y
nakikibagay sa panahon, maulan, mahangin—ang perpektong panahon para
makapagnilay, matulog, magbasa, at magsulat. Pero hindi ko ginawa ang mga iyon,
pinili kong panoorin ang patak ng ulan sa bintana.
Maliit lang ang bahay namin. Bungalow. Iisang
palapag. Noong umagang iyon, tatlo lang kaming nasa bahay, ang kasambahay
namin, ako, at si Nanay. Tatlo kung hindi mo isasama si Kiba, ang labrador
namin. Si Tatay, nasa Maynila, nagtatrabaho. Sabado noon ng 2009. Ang akala
kong ordinaryong maulang Sabado ay nabago. Lumakas ang pagtangis ng kalangitan.
Napansin kong may nagtatakbuhan sa labas, may dala-dalang kagamitang bahay. Mga
taong nakatira sa tabi ng Ilog Tullahan ang mga iyon, sabi ko sa sarili ko nang
masilayan ang pamilyar na mukha nila. Sa katunayan, nasa likod lang din naman
ng bahay namin ang ilog ng Tullahan. Kalapit lang din namin ang LaMesa Dam, ang
nagpapatubig sa buong Kamaynilaan.
Nilagay ng kasambahay namin ang radyo sa AM. Ang
malamig na boses ni Rico J ay napalitan ng seryosong tono, parang nagaalala,
may halong takot at kaba sa boses ng reporter. Umapaw na raw ang LaMesa Dam at
pinapalikas na ang lahat ng nasa tabi ng Tullahan. Agad kong inalerto ang Nanay
kong nag kokompyuter. Pero huli na ang lahat. Pumasok ang tubig sa loob ng
bahay namin. Agad kaming umalis ng bahay. Hindi na namin nalock ang pinto ng
bahay. Ni patayin ang kompyuter ay di na rin namin nagawa. Hindi na namin
naisip ang aso naming si Kiba na kahol ng kahol, abalang hindi tangayin ng
rumaragasang tubig. Paglabas namin ng gate ng bahay, lagpas tuhod na ang tubig.
Napatid ako. Nalubog ang mukha ko sa tubig. Nilabanan ko ang alon at si
kamatayan na pilit akong hinihila papunta sa kaniya. 5 segundo ata iyon. 5
segundo akong namatay. Iyon ang pinakamahabang 5 segundo ng buhay ko. Nung
nahimasmasan ako ng onti, napakapit ako sa sidemirror ng kotse. Pinilit kong
labanan ang agos at itinayo ang sarili ko. Kita kong sumusunod pa rin sa’kin
ang Nanay at ang kasambahay namin.
Nakituloy kami sa bahay ng kapitbahay namin. Mayroon
silang 3 palapag. Bahay nila ang pinakamataas sa Computer Street kaya doon na
rin nagpalipas ng ulan ang iba pang kapitbahay namin. Tinanaw ko ang bahay
namin sa di kalayuan. Unti-unti itong nilalamon ng kalikasan, hanggang sa wala
na akong makita, maski bubong. Nawala
lahat. Tinangay ng alon ang mga libro ko, ang mga medalya, mga kagamitan,
kasabay ng basurang nakikisabay sa agos. May mga refrigirator na lumulutang,
mga kotseng nakasampa sa gate ng bahay namin, mga diaper, ahas, yero, kahoy,
mga walang hiyang mukha ng politikong nasa tarpaulin, at mga pangarap.
Naaalala ko pa dati noong bata-bata pa ako. Mahilig
ako tumambay sa tabing ilog. Pinapanood ko ang mga naglulutangang bagay. Ang
paghati ng mga bato sa tubig. Paborito ko ang tunog ng rumaragasang ilog.
Musika eto sa tenga ko dati. Paminsan-minsan, nagpapalutang ako ng bangkang
papel. Paunahan kami noon ng mga kalaro ko. Pustahan kami ng kendi, o kaya
teks, o kaya pogs. Sa tabi ng Tullahan ako nagkaroon ng isip, nagkaroon ng
kaibigan, lumawak ang imahinasyon, at matutong mangarap. Hindi ko akalaing eto
rin pala ang maninira sa mga pangarap ko.
Ilang oras kaming stranded sa bahay na tinuluyan
namin. Alas-9 ng umaga hanggang 11 ng gabi. Nagtiis kami sa bahaw na kanin at
hilaw na manok. Hindi lang kami. Pati na rin ang mga nakituloy na hindi bababa
sa 15 katao. 10 ng gabi nagsimula humina ang ulan at humupa ang lagpas taong
baha. 11 dumating ang mga rescuers, kasama na don si Tatay. Kinarga niya ako
palabas ng bahay, nakabuntot sa’min sila Nanay. Kitang kita ng mata ko ang mga
sirang bahay, ang 2 kotseng magkapatong sa tapat ng bahay namin, ang bangkay ng
mga hayop, at mga bagay na hindi ko dapat makita sa murang edad.
Nagpalipas kami ng gabi sa Lagro. Sa bahay ng tita
ko. Nakahiga kaming tatlo, si Nanay, si Tatay at Ako sa kama. Napapagitnaan
nila ako. Nakiayon ang malamig na boses ni Tatay sa panahon. Kung ano ang pinaguusapan nila ni Nanay,
hindi ko na alam. Pero noong gabing iyon, ang perpektong gabi para
makapagnilay, matulog, magbasa, at magsulat, pinili kong panoorin ang pagpatak
ng ulan sa bintana. Alam ko, ‘di na umuulan noong oras na iyon. Mahina na si
Ondoy. Pero ramdam ko pa rin ang ulang dulot niya, kahit na nasa ilalim kami ng
bubong, sa mga balikat ko.


Comments
Post a Comment