Utopia sa paanan ng Banahaw ni Jed Brian Tamboon
Utopia sa
paanan ng Banahaw
ni Jed Brian Tamboon
Gabi na nang makarating kami ng Laguna. Malamig ang
hangin papunta sa bahay ng kaklase ko. Sa Calauan. Tumindig ang mga balahibo ko
sa lamig. Nakakabingi rin ang pagbulong ng hangin. Pero ani ko, mas mabuti na
ito kaysa sa polusyon ng Maynila.
Hindi ko inaakalang ganoon kalaki ang bahay nila.
Hindi halata sa kilos at hitsura niya. Mas malaki ng kaunti ang kuwartong
tinulugan ko kaysa sa kuwarto ko sa bahay. May bintana akong katapat. Doon muna
ako nagpalipas ng gabi kasi kinabukasan din, pupunta kami ng Liliw—na siya
naman talagang dinayo ko rito.
Liliw, Laguna. Nabasa ko lang to sa “Lila Ang Kulay
ng Pamamaalam” ni RM Topacio-Aplaon. UP Press. Napakalungkot ng lugar na ito sa
kuwento. Marami ang naganap. Sa pagbabasa laman nito sa libro, na humalig na agad
ako sa pook. Gusto ko itong makita ng personal. Kung ang Liliw ba ay kasing
ganda ng paglalarawan dito ni Dylan, ang protagonista ng kuwento. At sa wakas,
makikita ko na rin ito ng personal. Ang mga linya ng tindahan ng tsinelas at
ang pulang simbahan sa dulo ng kalye.
Pagkatapos naming mag-almusal kinaumagahan at
maghanda ng gamit, agad kaming nagpaalam sa Lolo at Lola ng kaklase ko.
Pagkalabas ng bahay, nasilayan ko ang malawak na palayan. Sa likod nito, bundok
na hindi ko alam ang pangalan. Sa palagay ko, Makiling ito, o kaya Banahaw.
Sumakay kami ng dyip pa- San Pablo, kung saan naman kami sasakay papuntang
Nagcarlan/Liliw.
Sa San Pablo, sumalubong agad sa’kin ang simbahang
tansya ko’y ginawa noong panahon pa ng Kastila, siguro dahil na rin sa lumang
arkitekto nito. Pero hindi iyon ang pinunta ko sa Laguna. Agaran kaming sumakay
ng dyip pa Nagcarlan/Liliw. Maganda rin ang tanawin papuntang Liliw. May mga
puno at mangilan-ngilang palayan. Bumaba
kami ng dyip ng sumigaw ang tsuper ng “Liliw!” Pagbaba, nagtaka kami nang
makita ang simabahan ng Nagcarlan. Walang mga linya ng tindahan ng tsinelas.
Ayun pala, nagtatawag lang ng pasahero ang tsuper pa- Liliw. Bwisit. Dahil nasa
Nagcarlan na kami, nag desisyon kaming puntahan ang ilang mga lugar doon. Isa
na ang simbahan ng Nagcarlan. Ilan kayang Pilipino ang namatay para itayo to?
Iyon ang lagi kong naiisip sa tuwing makakakita ako ng lumang simbahan.
Pagkatapos noon ay nag tricycle kami papuntang Underground Cemetery of
Nagcarlan. Sa ilalim ng kapilya, may sementeryo. Naging taguan din daw iyon ng
mga rebolusyonaryong lumaban sa Kastila. Malamig sa ilalim. Tila nanunukso na
doon nalang kami magpalipas ng buhay. Gusto yata kaming sumunod.
Nagdesisyon kami sumakay ng dyip pa Liliw. 1 oras na
byahe. Binaybay ng mga mata ko ang tanawin. Mga lugar na espesyal sa Laguna.
Mga lugar na hindi ko makikita sa mapagpanggap na siyudad ng Maynila. At sa
wakas, pagkarating namin doon, di ko maitago ang nararamdaman ko. Naluha ako sa
saya. Nag ala-Dylan ako. Totoo nga. Puno ng tsinelas ang lansangan. At sa dulo,
naroon ang St. John The Baptist Church. Hindi pa ako nakakarating doon. Unang
beses palang ngayon. Pero sa palagay ko’y matagal na akong nakatira roon.
Walang masyadong magagarang gusali. Walang mall. Halos walang kotse. Walang
polusyon. Walang nakaambang panganib. Ang mumunting lugar sa paanan ng Banahaw
ay nagmistulang Utopia para sa’kin. Dito na ako tumira. Ginawa ko itong
tahanan. At kahit na wala na ang katawan ko dito’t humihinga ng hangin nito,
patuloy na nilalakad ng utak ko ang bawat lansangan sa Liliw, Laguna.


Comments
Post a Comment