WIKANG FILIPINO, WIKANG ATIN, ATING YAKAPIN ni Ella Almodovar

WIKANG FILIPINO, WIKANG ATIN, ATING YAKAPIN
ni Ella Almodovar

            “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda” Ito ay isa sa mga tanyag na mensahe ni Gat. Jose Rizal na nagsilbing inspirasyon at kapupulutan ng aral ukol sa pagpapahalaga ng sariling atin – ang wikang Filipino. Sinakop tayo noon ng mga espanyol, amerikano at hapon, at ngayo’y isang bansang malaya na. Mayroong sariling pambansang awit, watawat at sariling pambansang wika. Ngunit, nagagamit ba natin ito ng nasa ayos at nagagamit ba natin ito ng may kabuluhan? Kung tutuusin, napakalawak ng ating wika, na napakaraming nitong pagpipilian sa pag gamit nito.
            Paano nga ba ginamit ng ating mga ninuno ang kapangyarihan ng wika? Paano nabuo ang mistulang basag na salamin na pitong libo’t isang daan at pitong pulo (7,107) na napag-isa - ang bayan ni Juan Dela Cruz? Noong unang panahon, noong tayo’y hindi pa sinasakop ng sino man, iisang wika o dayalekto lamang ang ginagamit nila sa kanilang pagkikipagtalastasan sa pamahalaan, edukasyon, sining, at kung ano anong aspeto man. Bagama’t hindi pa tawag Wikang Filipino, ang wika ay hinango sa alpabetong Alibata o Baybayin ang kanilang ginamit upang maipakalat ang paniniwala at adhikain.
Nang dumating ang mga kastila, pinaghari ang kanilang wika, pagpasok ng mga amerikano, wikang Ingles ang pinilit nilang ipagamit sa atin. Kung kaya’t umusbong ang kaisipan o ideya na magkaroon tayo ng ahensya, o isang institusyon na magbibigay linaw sa sarili nating wika. Dumaan ang panahon, ang wikang Filipino ay sumailalim sa iba’t ibang sektor at inaprubahan ni Manuel L. Quezon at iprinoklama na maging wikang pambansa ayon sa komonwelt bilang limang daan at pitumpu (570) noong ika-apat ng Hunyo isang libo’t siyam na raang apatnapu’t anim (1946). Dito nagsimulang lumaganap ang wikang Filipino. Ngunit, kung iisipin at titignan natin, may mga nakapaskil pang kailangang gamitin ang wikang Ingles sa loob at labas ng mga paaralan at sa mga batang hindi pa pumapasok sa eskwelahan, tinuturuan naman sila ng kanilang mga magulang sa pag gamit ng wikang Ingles, at ito na rin ang isa sa mga basehan kung angat ang isang tao sa kanyang buhay – kung siya’y mahusay magsalita sa wikang Ingles.  Bakit tila nakakalimutan ng mga tao kung gaano karaming kapwa Pilipino ang namatay at nagbuwis buhay upang magkaroon tayo ng sariling wika.

            Maaaring totoo nga na sa pamamagitan ng pagturo ng wikang Ingles sa paaralan ay makakatulong ito sa atin upang makiapgsabayan sa ibang bansa, ngunit nawawala naman ang identitidad ng ating bansa. Subalit, hindi rin dapat maliitin ang wikang Ingles. Ang mahalaga ay preserbahin ang ating sariling wika at marunong din tayong gumamit ng lingua Franca sapagkat kailangan ito sa pakikihalubilo lalo na sa ibang bansa. Huwag nating kalimutan kung saan tayo nagsimula. Wikang Filipino, wikang atin, ating yakapin. 

Comments

Popular Posts